♫ --- ♫ when i see you smile - bad english ♫ --- ♫
"Pasensiya na kayo kung natakot kayo dahil sa akin. Pangako, maayos lang ako," paniniguro ni Drystan habang matamlay na ngiti sa kanyang labi.
Nagkatinginan kami nina Andrea, Chaplin, at Ringo. Alam kong gaya ko'y hindi sila kumbinsido at alalang-alala pa rin. Kanina ay huminto lamang si Drystan sa pagwawala matapos mawalan ng malay. Gustuhin man namin siyang dalhin sa ospital, natakot kaming baka may mapansing kakaiba sa kanya ang mga doktor at nars. Sa huli, tulong-tulong na lamang namin siyang inakay patungo sa bahay ko.
"Maayos?! Kung umiyak ka, parang hindi mo kami nakikita o naririnig!" giit ni Ringo.
"Ano ba kasing nangyari sa 'yo?" sabi naman ni Andrea.
"Hindi mo ba talaga alam ba't ka nagwala nang gano'n?" Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko itong naitanong sa kanya.
"Hindi . . . " Nagbaba ng tingin si Drystan at marahang umiling. Hindi rin nagbabago ang kanyang sagot.
Hindi ko mapigilang tumitig kay Drystan. Nag-aalala ako sa kanya dahil ramdam kong may mali. Ramdam kong may itinatago siya.
Bumuntong hininga si Chaplin at bigla na lamang pumalakpak. "O sige na, sige na! Kumain na tayo!"
Napansin kong pinrotektahan ni Chaplin ang kagustuhan ni Drystan na itago ang nararamdaman sa sarili. Naisip ko ang mga panahong ayaw ko ring pag-usapan ang mga problema ko, at sa bawat pagkakataon, hindi nagtatanong ni Chaplin, bagkus ay hinihintay niya lang akong maglabas ng saloobin at palaging pinaparamdam sa akin na handa siyang makinig ano mang oras.
Siguro nga ganito na lang din ang gagawin ko kay Drystan . . . ang hintayin ang sandaling kaya na niyang sabihin ang kung ano mang nagpapabigat sa puso niya.
"Sige na nga, gutom na rin ako." Ngumiti na lamang ako at tumango. Nilibot ko ang paningin sa buong kusinang pinaghirapan nina Mama at Papa na pinturahan ng kulay dilaw. May mga agiw at kalibok man sa paligid, pakiramdam ko'y walang pinagbago ang silid. Hindi ako makapaniwalang nakaupo ulit ako sa mahaba naming mesa, at ngayo'y hindi na nag-iisa.
"Helga, okay ka lang ba? Parang kanina pa walang kakulay-kulay ang mukha mo, a?" tanong bigla ni Ringo kaya agad akong napatingin sa kanya. Gaya ng dati, kaswal lamang siyang nakaupo sa lababo.
Sa totoo lang, hindi. Saka ko lang naramdaman ang hapdi ng mga sugat ko nang huminahon na si Drystan. Idagdag pa 'yong hindi ko maipaliwanag na pagod palagi.
"Humapdi ba ang mga sugat mo?" tanong kaagad ni Drystan sa akin kaya dali-dali akong umiling.
"Hindi mo pa rin ba iniinom 'yong vitamins?" tanong naman ni Andrea.
"Vitamins? Bitamina 'yan 'di ba?" Nag-angat si Drystan at nag-aalalang tumingin sa akin. "'Di ba gamot 'yan sa mga may sakit?"
"Bitamina, dagdag na nutrisyon 'yan," sagot ni Chaplin kay Drystan at saka bumaling sa akin. "Pero, Helga, magpa-check up ka kaya?"
BINABASA MO ANG
The Boy in the Mirror
RomanceFeeling trapped in the cold town of La Bianco, all Helga wanted was to start a new life in a city where no one knows her name. Forcefully trapped in a mystical mirror for decades, all Drystan wanted was to break free and live again. When they meet...