♫ --- ♫ alive - pearl jam ♫ --- ♫
"Pagpasensiyahan n'yo na ang kuya ko. Siguro nagulat lang siyang malaman na may nobyo ka na. Alam mo namang parang apo na rin ang turing niya sa 'yo mula noong bata ka pa," wika ni Ms. Shirley.
Tumango na lamang ako at tipid na ngumiti. Sa kabila nito, hindi ko pa rin mapigilang mag-alala. Normal lang ba 'yong reaksiyon niya? Bakit parang may mali?
Pagkatapos kaming makita ni Tiyo Salvador, umalis ito kaagad, nagmamadali at hindi na nagpaalam pa. Ni hindi ito halos makatingin sa amin ni Drystan.
Nang umalis si Ms. Shirley at kaming dalawa na lang ni Drystan ang naiwan sa shop, saka ko lang napansin na walang kibo si Drystan at tila ba lumilipad na naman ang isip, walang emosyon ang mga mata.
"Anong problema?" tanong ko.
Napakurap-kurap si Drystan at agad na umiling. "W-Wala . . ."
Alam kong meron pero wala akong magawa kundi bumuntonghininga na lamang. "'Yon si Tiyo Salvador, siya ang nagmamay-ari nitong video shop. Isa siyang propesor at negosyante kaya naman lagi siyang wala rito sa La Bianco. Magkaibigan sila ng lolo at lola ko mula pagkabata, hanggang sa pagtanda. At sa kabila ng mga nangyari sa pamilya namin, hindi siya tumalikod. Kung tuusin, buhay pa ako ngayon dahil sa kanya."
"S-Sinagip niya ang buhay mo?" Bumalik ang malambot na emosyon sa mga mata ni Drystan.
Sumandal na lamang ako sa counter at tumabi naman sa akin si Drystan.
Mahirap para sa aking alalahanin ang mga nangyari noon, pero walang sawa kong ipagmamalaki ang mga ginawa ni Tiyo Salvador para sa akin. "Nang may manloob sa bahay namin, pansamantala kaming tumira sa lola at lola ko. Katabi ng bahay nila ang pabrika ng harina na sila rin ang nagmamay-ari. Isang gabi, nagising ako sa amoy na para bang nasusunog. Nagulat ako nang makita kong nilalamon ng apoy ang pabrika mula sa bintana. Hinanap ko ang mga magulang ko, pero wala sila sa kuwarto nila—" Nahinto ako sa pagsasalita nang maramdaman kong pinapangunahan na ako ng mga luha ko.
Hinawakan ni Drystan ang kamay ko. Umiling siya, tila ba sinasabi sa aking huwag na akong magpatuloy sa pagkukuwento kung masasaktan lang ako. Pero gaya niya, umiling lang din ako at pilit pa ring nagpatuloy. "Sumaktong nang gabing 'yon, bumisita si Tiyo Salvador at sa sala na siya natulog. Siya lang ang nakita ko sa bahay kaya dali-dali ko siyang ginising upang hingan ng tulong. Medyo nakainom pa siya no'n pero sinuong niya pa rin ang nag-aapoy na pabrika para tingnan kung naroon ba ang lola't lolo, pati na ang mga magulang ko. Takot na takot ako no'n kaya sinundan ko siya at pareho namin silang natagpuan na—alam mo na."
Pakiramdam ko'y mabubulunan na ako sa sarili kong emosyon kaya naman nagkibit-balikat akong lumunok bago bumuga ng malalim na hininga. "Alam mo ba? Nang mga sandaling 'yon, parang huminto rin sa pag-ikot ang mundo ko. Pilit akong hinila ni Tiyo Salvador palabas ng silid, pero gusto ko lang manatili sa tabi ng mga magulang ko. Nang mga sandaling 'yon, ayoko nang mabuhay pa . . ."
BINABASA MO ANG
The Boy in the Mirror
RomanceFeeling trapped in the cold town of La Bianco, all Helga wanted was to start a new life in a city where no one knows her name. Forcefully trapped in a mystical mirror for decades, all Drystan wanted was to break free and live again. When they meet...