Andrea
"T-Teka, anong oras na?!" bulalas ni Mateo nang matapos kami sa panonood ng dalawang Terminator movies.
Nagkatinginan kami ni Chaplin at parehong nataranta. Dali-dali akong gumapang at tumayo patungo sa switch ng ilaw, samantalang si Chaplin naman ay dali-daling lumapit sa orasan.
"Alas-nuwebe na?!" bulalas naming tatlo nang mabasa ang oras.
"Sunduin na natin si Helga! Bilisan n'yo!" Awtomatiko kong pinulot ang bag ko at dali-daling nagtatakbo palabas ng shop. Mamaya ako pa ang mautusan nilang mag-lock ng mga pinto, hindi ko pa naman alam paano.
I shivered the moment I stepped out into the sidewalk. Malamig sa bayan ng La Bianco, pero parang mas malamig yata ito ngayon.
Huminga ako nang malalim at napatingala sa kalangitan. Napako ako sa kinatatayuan nang makita ang kulay pulang buwan. Muntik ko nang makalimutan, blood moon nga pala ngayon.
"Chaplin, bilis!" sigaw ni Mateo na kalalabas lamang ng shop. Tumingala siya sa kalangitan at gaya ko ay napako rin siya sa kinatatayuan nang makita ang kulay ng buwan.
Sa hindi malamang dahilan, bigla akong kinabahan.
Napatingala ako muli sa kalangitan, pilit na nag-iisip kung bakit ganito ang nararamdaman ko.
"Sa buwang nagdurugo, ikaw ang magiging kabayaran sa kanilang kalapastanganan! Kailangan mong tanggapin—"
Tila ba naputol ang hininga ko nang maalala ang sinabi ng matandang manghuhula kay Helga.
"S-Si Helga . . . " Halos walang salitang lumabas mula sa bibig ko.
"A-Ano?" wika ni Mateo.
Mabilis akong lumingon. "S-Si Helga! Kailangan kong makita si Helga!"
Hindi ko maintindihan, pero labis akong kinakabahan. Gusto kong siyang makita . . . kailangan kong makita si Helga.
***
"Andrea, ano ba kasing problema?" panay ang tanong ni Chaplin habang nagsisiksikan kaming tatlo sa motorsiklong dala ni Mateo.
"Hindi ko rin alam." Iyak ko.
Kung si Chaplin ay maraming katanungan, si Mateo ay tahimik lamang ngunit ramdam ko rin ang desperasyon at pagmamadali niyang mapuntahan namin si Helga.
Pagdating sa tahanan ni Helga, lalo pa kaming nabahala dahil walang katao-tao sa kanila. Kung saan-saan kami nagtungo para hanapin siya. Pati ang tahanan ng Tiyo Salvador niya'y pinuntahan din namin, pero pare-pareho rin silang walang nalalaman.
Hatinggabi na nang maisipan naming bumalik sa tahanan ni Helga at laking tuwa namin nang makitang umaandar ang mga ilaw sa loob, palantandaang nakauwi na siya.
BINABASA MO ANG
The Boy in the Mirror
RomanceFeeling trapped in the cold town of La Bianco, all Helga wanted was to start a new life in a city where no one knows her name. Forcefully trapped in a mystical mirror for decades, all Drystan wanted was to break free and live again. When they meet...