chapter sixteen | the life we long for

6.7K 640 387
                                    


Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


"Helga!" Mangiyak-ngiyak si Drystan habang nakatingin sa akin, tila ba nakikiusap na sagipin ko siya mula sa kapahamakan.

Umiling lamang ako at nagpatuloy sa paglamon ng sitsirya.

"Chaplin!" Bumaling naman si Drystan kay Chaplin na katabi kong nakaupo sa sofa.

Gaya ko, umiling lang din si Chaplin at kumuha mula sa bag ng sitsirya na hawak ko.

Pilit na tumayo si Drystan mula sa maliit na silyang kinauupuan, pero mabilis siyang hinila paupo ni Andrea na may may dalang suklay at gunting. "'Wag ka ngang malikot, Drystan! Gusto mo bang magkaroon ng poknat?"

Dumanguyngoy si Drystan at ngumiwi na tila ba isang bata. Nagtawanan kaming lahat, maliban lamang kay Andrea na tila ba gahibla na lang ang pasensya.

"Sige nga, Drystan, pumili ka." Sinipsip ni Chaplin ang daliring may bahid ng sitsirya. "Gugupitan ka ni Andrea o kakalbuhin ka ni Papa?"

Lalo lamang na dumanguyngoy si Drystan at nagsisipa, dahilan para lalo rin kaming magtawanan.

"Parang gusto ko siyang makitang makalbo," komento ni Ringo na kanina pa tawa nang tawa sa isang tabi.

"Talaga?" Mabilis na lumingon si Andrea sa kakambal at doon lang sumilay muli ang napakalawak niyang ngiti. "Kakalbuhin ko na lang siya, no?"

"Hindi!" Umalingawngaw ang napakalakas na hiyaw ni Drystan. Tumalon siya mula sa kinauupuan at nagtangkang tumakbo. 

Nang makita kong takot na talaga si Drystan, tumayo na ako at mabilis na humarang sa kanya, nagpipigil na ng tawa. "Drystan, huminahon ka. Nagbibiro lang sila. Umupo ka na roon, walang mangyayaring masama sa 'yo."

"Hindi kami nagbibiro," sabay na sambit ng kambal. Nagkatinginan pa sila't naghalakhakan.

"Sabi na, e! Ayoko na! Umuwi na tayo!" bulalas ni Drystan. Mabilis niyang hinawakan ang kamay ko't hinila ako patungo sa pinto. Higit man siyang malakas kumpara sa akin, pilit akong nanatili sa kinatatayuan at hinawakan siya pabalik, nang mas mahigpit.

"Drystan, kanino ka maniniwala? Sa kanila o sa akin?" Isa lamang simpleng tanong ang kumawala sa labi ko, pero nagtaka ako nang bigla silang natahimik lahat—kahit si Chaplin na walang ibang ginawa kung hindi tumawa.

Lilingunin ko sana sila pero napansin kong tila ba natigilan si Drystan. Naramdaman ko ang pagluwag ng kamay niyang nakahawak sa akin, hanggang sa unti-unti siyang humarap at bumuntonghininga.

Ako naman ang natigilan nang masilayan ang nanlalambot niyang mga mata. 

"Ikaw lang ang mayroon ako sa mundong 'to," aniya at humigpit muli ang hawak sa kamay ko. "Sa 'yo lang ako maniniwala at magtitiwala."

Tila ba may kung anong mahika ang mga salita niya't bigla na lamang na-blangko ang isipan ko. Wala akong ibang nagawa kundi tumitig sa mga mata niyang para bang walang ibang sinisigaw kundi ang kanyang katotohanan.

The Boy in the MirrorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon