Helga
Sa unti-unting pagsikat ng araw, lumiliwanag ang paligid ng lawa. Nagkakaroon ng kulay ang mga puno sa paligid, at sumasalamin ang langit sa tubig. Sa taglay na kagandahan ng tanawin, tila ba may himig sa isip kong ako lamang ang nakakarinig.
"Happy birthday, Helga," bulong ni Drystan habang nakatayo sa likuran ko. May hatid na hindi maipaliwanag na ginhawa ang mga kamay niyang nakayakap sa baywang ko, pati na ang mukha niyang siniksik sa ibabaw ng leeg ko.
Pikit-mata akong napangiti nang maramdaman ko ang lambot ng kanyang pisngi. Sa sobrang gaan ng puso ko, tila ba nakalimutan ko na ang lahat ng mga bumababag sa akin.
Naramdaman ko ang guhit ng ngiti sa kanyang labi nang dampian niya ako ng maliit na halik sa pisngi.
Tila ba natunaw ako sa pagmamahal na pinapadama niya at kusa akong napasandal sa kanyang balikat. Humigpit man ang kanyang yakap sa akin, ramdam ko pa rin ang kanyang pag-iingat.
"Sana magkasama ulit tayo sa mga susunod kong kaarawan." Kiniling ko ang ulo upang masilayan ang kanyang mga mata. "Gusto kong salubungin ulit ang pagsikat ng araw dito sa lawa, kasama ka."
Tumango siya, hindi matanggal-tanggal ang banayad na ngiti sa mga labi. "Mahal na mahal kita."
Even if he won't say, I could still feel his love from the way he looks at me. And I hope he could feel my love for him too.
"Mahal na mahal din kita." Marahan kong inabot ang kanyang mukha at dinampian siya ng halik sa labi.
***
Habang hawak-kamay kaming naglalakad ni Drystan paalis mula sa pantalan, masasayang bagay lamang ang pinag-uusapan namin. Pinili kong huwag nang magtanong kung saan siya galing o kung naniniwala ba siya sa mga sinabi ko, dahil kung ito man ang huling kaarawan ko, gusto kong maging masaya lamang ang buong araw ko kasama siya.
Mukhang pareho kami ng iniisip dahil hindi niya rin ito inuungkat o pinapaliwanag.
Bahala na bukas, sa makalawa, o sa susunod na linggo. Ngayon ang mahalaga, kasama siya.
"Teka, ano 'yan?" Natigilan ako nang mapansin ang isang maliit na hawla sa damuhan. May dalawang ibon sa loob na kulay asul, parehong tarantang-taranta habang lumilipad iba-ibang direksiyon.
"P-Pasensya ka na, regalo ko dapat 'to sa 'yo." Nahihiyang paliwanag ni Drystan at sandali niya akong binitiwan upang pulutin ang hawla. "Maaga akong umuwi kasi sosorpresahin sana kita, pero natakot ako nang hindi kita makita sa bahay. Sa sobrang pagmamadali ko, nalaglag ko pa ang mga ibon."
May kung anong humaplos sa puso ko nang makita ang mga ibon. Wala sa sarili akong napahawak sa dibdib ko't lumapit kay Drystan upang mapagmasdan sila nang malapitan.
BINABASA MO ANG
The Boy in the Mirror
RomanceFeeling trapped in the cold town of La Bianco, all Helga wanted was to start a new life in a city where no one knows her name. Forcefully trapped in a mystical mirror for decades, all Drystan wanted was to break free and live again. When they meet...