"Aray! Ba't ka nanunulak?!" bulalas ko nang makarating kami ni Chaplin sa kusina. Panay ang lingon niya sa sala kung saan naiwan si Drystan na nakaupo sa sofa.
"Natatakot ka ba sa kanya?" Hindi ko napigilang matawa. "Chap, promise, hindi siya--"
"Anong nangyari? Paano nakalabas 'yon? May hiling bang kapalit gaya ng Genie? Tao na ba talaga 'yon?" bigla siyang natigilan. Sandali siyang napatulala hanggang sa unti-unting napatingin sa akin, nanlalaki ang mga mata. "Hala! Kung totoong galing siya sa loob ng salamin, ibig sabihin totoo talaga ang mga multo at masasamang elemento? Totoo 'yong napapanood ko sa Shake Rattle and Roll? Totoo 'yong Undin?!"
"Chaplin, kalma ka lang," seryoso kong giit sabay abot sa magkabila niyang balikat. "Hingang malalim. . ."
Pumikit si Chaplin at huminga nang malalim.
"Okay, now exhale," sabi ko pa na agad naman niyang sinunod.
Naawa ako bigla kay Chaplin. Kanina ay iyak siya nang umiyak tapos ngayon ay namumutla na siya sa takot.
Binitiwan ko siya at dumiretso ako sa lababo upang kumuha ng tubig para sa kanya. Agad naman niya itong nilaklak. Nang tingin ko'y nahimasmasan na siya, pinaupo ko siya sa mesa at tinabihan.
"Wala kang dapat ikatakot kasi mabuti si Drystan. Sa katunayan, kung hindi dahil sa kanya, baka natuloy 'yong masamang balak nina William sa akin kagabi," paniniguro ko sa kanya.
Namilog ang mga mata ni Chaplin. "Balita ko hindi raw makalakad si William kasi bali-bali ang buto! Si Drystan din ba ang gumawa no'n?"
Bumuntonghininga ako at ngumiti nang tipid. "Sumabog ang mga salamin sa paligid at lumabas mula roon si Drystan. Lumapit siya at inilayo si William sa akin. 'Yon lang ang ginawa niya, pangako."
"A-Ano 'yon? May super strength siya gaya ng nababasa ko sa komiks?" bulalas pa ni Chaplin, pero nagkibit-balikat lang ako dahil hindi naman ako sigurado.
Sumandal si Chaplin sa kinauupuan at siya naman ang bumuntonghininga. Unti-unting lumubog ang kanyang mga balikat at kasabay nito ang paglambot ng ekspresyon sa kanyang mukha. "Mabuti na lang pala at nandoon siya para iligtas ka. Sige, kumbinsido na ako."
Natuwa ako dahil sa narinig.
Gumaya ako kay Chaplin at sumandal din sa kinauupuan. Napatingin ako sa kanyang direksyon at tumawa nang bahagya. "Siya nga pala, Chap. . ."
Tumingin siya sa akin, may kalituhan ang mga mata.
"Pwede mo bang mapahiram ng ilang damit si Drystan? Alam mo na. . ."
Tumango naman siya at bahagyang ngumuso. "May ilan din akong sapatos doon na hindi na ginagamit. Kasya kaya 'yon sa kanya?"
Hindi talaga ako nagkamali sa pagkakakilala ko kay Chaplin. Sa kabila ng mga kalokohan at pagiging isip-bata niya minsan, siya talaga 'yong tipo ng tao na handang tumulong sa kahit na sino. Kahit sa taong pinagbibintangang demonyo at sa isang nilalang na nanggaling sa salamin.
BINABASA MO ANG
The Boy in the Mirror
RomanceFeeling trapped in the cold town of La Bianco, all Helga wanted was to start a new life in a city where no one knows her name. Forcefully trapped in a mystical mirror for decades, all Drystan wanted was to break free and live again. When they meet...