Pagkatapos ng lahat ng dagok na dumating sa buhay ko, inisip kong ako na ang pinakakawawang nilalang sa mundo. Walang mga magulang, walang ibang pamilyang matatakbuhan, walang pera, at halos lahat ng tao'y gusto akong saktan at pahirapan—ibang-iba sa buhay na kinamulatan ko. Ngunit pagkatapos ng natuklasan ko tungkol kay Drystan, natutunan kong mali ako.
May daan ako para makatakas, samantalang si Drystan?
"Anong ibig mong sabihing nakakulong si Drystan?" tanong ni Ringo na nakatayo na sa tabi.
"Drystan, lumapit ka nga rito!" sigaw naman ni Andrea, bakas ang kaba sa boses.
"Drystan, subukan mo ulit!" bulalas naman ni Chaplin, nakaawang ang bibig at puno ng takot ang mga mata. "Lumapit ka sa amin!"
Nanatili lamang na nakatingin sa amin si Drystan, walang imik at may bahid ng luha sa pisngi.
"Drystan subukan mo ulit!" sigaw ni Ringo sabay lahad ng kanyang kamay.
"S-Subukan mo doon!" Tinuro naman ni Andrea ang kabilang dako ng kalsada.
Unti-unting umangat ang paa ni Drystan, pero nanlumo ako nang bigla siyang humakbang paatras.
"Drystan!" Pare-pareho kaming nagsigawan.
Umiling si Drystan at muling humakbang paatras, at kasabay nito ang muling pagpatak ng kanyang luha.
Tila ba pinagpipira-piraso ang puso ko sa mga nangyayari.
Naging bilanggo si Drystan ng salamin sa loob ng napakaraming taon, mas marami kumpara sa tagal ng pagdurusa ko. Naging napakasaya nang makalaya siya, tapos ngayon ay matutuklasan niyang isa lang palang kasinungalingan ang lahat.
Hindi pa rin siya malaya.
Nakakulong siya sa lungsod ng La Bianco, sa lugar na pinapangarap kong takasan.
Anong mangyayari sa kanya oras na umalis ako ng La Bianco?
Ayoko siyang iwan pero hindi rin naman ako puwedeng manatili sa lungsod na ito . . .
Napukaw ang isip ko mula sa sarili nitong panimdim nang bigla na lamang dumaan si Chaplin sa gilid ko. Sinundan ko siya ng tingin at nakita kong mabilis siyang naglakad patungo kay Drystan.
"Hahanap tayo ng paraan." Pinatong ni Chaplin ang kanyang braso sa balikat ni Drystan at saka ito hinigit sa isang yakap. Tinapik-tapik pa ni Chaplin ang likod nito. "Nakalaya ka sa salamin kaya makakalaya ka rin mula—" Mula sa pagiging buo at kalmado, bigla na lamang pumiyok ang boses ni Chaplin at tuluyan nang nauwi sa iyak.
Nakita kong maging sina Ringo at Andrea ay lumapit na rin. Niyakap ni Andrea si Drystan, at kahit si Ringo ay nag-angat din ng mga kamay sa ibabaw ng balikat ni Drystan.
Habang pinagmamasdan ko silang apat na nagyayakapan habang tahimik na lumuluha, kahit papaano ay naibsan ang agam-agam sa puso ko.
Kung habang buhay mang bilanggo si Drystan sa lungsod ng La Bianco, may paraan pa rin para mabuhay siyang masaya dahil narito kaming mga nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya.
BINABASA MO ANG
The Boy in the Mirror
RomanceFeeling trapped in the cold town of La Bianco, all Helga wanted was to start a new life in a city where no one knows her name. Forcefully trapped in a mystical mirror for decades, all Drystan wanted was to break free and live again. When they meet...