hello! super sorry for not being able to update in a long time. i was working on something very special ;) stay tuned for future announcements hehe
maybe back-read muna para ma-refresh? hehehe
I'm super excited to continue and eventually finish this story :) i hope you'll continue to look forward!
"Helga, napapagod ka na ba?" tanong ni Drystan habang dumadaan kami sa gitna ng madilim na kalsadang napagigitnaan ng nagtataasang mga pananim. Bukod sa bilugang buwan at nagniningning na mga bituin, ang tanging pinagkukunan lang namin ng liwanag ay ang flashlight na ikinabit ko sa unahang bahagi ng bisikleta.
"Hindi ah," tanggi ko habang pilit na pinipigilang humangos. Napakalamig ng klima na sinasamahan ng malakas na hangin, pero heto ako at pinagpapawisan na.
Nanghihina man ang mga paa, pinilit kong magpatuloy sa pagpadyak. Kung tutuusin, dapat sanay na ako sa bigat ng bisikleta kapag may angkas dahil kay Chaplin, pero ewan ko ba't nahihirapan ako ngayon kay Drystan. Siguro dahil 'to sa pagkatumba ko sa bisikleta kanina at sa pagtatangka ni William. Baka nga napilay ako at ngayon ko lang ito nararamdaman.
"Helga, tama na. Itigil mo na," aniya bigla.
"Ha? Bakit?" Nakunot ang noo ko.
"Sige na, itigil mo na," banayad ang kanyang pananalita, ibang-iba noong nasa loob pa siya ng salamin.
Inihinto ko ang bisikleta at mabilis siyang bumaba. Hindi ko na napigilan pang humangos sa harapan niya. "B-Bakit? Anong problema, Drystan?"
"Turuan mo ako paano pagalawin 'to." Hinawakan niya ang handle bar, katabi ng kamay ko. Bakas ang kasiguraduhan at determinasyon sa kanyang bawat salita.
"Alam mo ba anong oras na? Baka sumikat na lang ang araw, nandito pa rin tayo," biro ko na lamang sa pagitan ng bawat mabigat na paghinga.
Dahil na rin sa liwanag ng buwang suminag sa amin, nasilayan ko ang kanyang pag-iling at pagngiti. "Pangako, pagbubutihan ko. Sabihin mo lang kung paano."
Napabuntonghininga na lamang ako at sa huli ay tumayo. Pinaupo ko siya sa bisekleta, pero nanatili ang kamay ko sa handle bar upang maalalayan siya.
"Ilagay mo ang magkabila mong paa--" Natigil ako sa pagsasalita nang mapansing nakapatong na sa pedal ang mga paa niya.
"Okay?" Bahagya akong natawa. "Ngayon, pumadyak ka nang salitan, kaliwa tapos kanan. Balansehin mo ang sarili mo para 'wag kang matumba."
"Mmm!" Lumabi siya at tumango, hindi natatanggal ang determinadong ngiti sa mukha. Tuloy, kahit ako ay napapangiti rin.
Nagsimula siyang pumadyak nang mabagal kaya sumunod ako, hindi bumibitiw sa handle bar. Gumegewang-gewang na ang bisikleta at para na siyang matutumba, pero mukhang napakasaya niya pa rin. Wala akong nakikitang kahit na anong bahid ng kaba o takot sa mukha niya.
BINABASA MO ANG
The Boy in the Mirror
RomanceFeeling trapped in the cold town of La Bianco, all Helga wanted was to start a new life in a city where no one knows her name. Forcefully trapped in a mystical mirror for decades, all Drystan wanted was to break free and live again. When they meet...