Paano mo ba hahanapin ang taong ikaw lang ang nakakakita?
"Ringo?!"
"Ringo, lumabas ka na diyan!"
"Ringo, nag-aalala na si Andrea sa 'yo!"
Dala ang mga flashlight at gasera, sinuyod namin ang malawak na kakahuyan sa paligid ng lawa, nagbabaka sakaling narito siya at naligaw lamang sa madilim na daan. Ngunit inabot na lamang kami ng bukang-liwayway, ni boses Ringo ay hindi namin narinig.
"B-Baka may nangyaring masama sa kanya! Helga, hindi ako basta-bastang iiwan ng kapatid ko! Kung aalis man siya, bumabalik siya kaagad! Alam niyang hindi ko kayang matulog nang mag-isa!"
Wala akong ibang nagawa kundi yakapin ang humahagulgol na si Andrea. Pilit kong pinipigilan ang sariling pagluha dahil alam kong kailangan niya ng kaibigang masasandalan. Kailangan kaming maging matatag para sa kanya.
"A-Andrea, umuwi ka na kaya muna? Baka magalit ang mga magulang mo kapag nakita nilang wala ka sa kuwarto mo," pahayag ni Chaplin, nag-aalangan.
"Magpapatuloy ako sa paghahanap kay Ringo. Siguradong narito lang siya sa lungsod na ito," paniniguro naman ni Drystan ngunit nakikita ang matinding takot at pag-aalala kanyang mukha.
Naramdaman kong pilit na kumawala si Andrea mula sa yakap ko at napansin kong kuyom ang kanyang mga kamay. Tinulak niya ako at umiiyak na hinarap si Drystan. "Kasalanan mo ang lahat ng ito! Baka inisip niyang pinagpalit na siya nina Mama at Papa para lang sa 'yo! Bakit ka pa kasi dumating sa buhay namin!"
Umalingawngaw ang umiiyak na boses ni Andrea sa buong kakahuyan. Pare-pareho kaming natahimik nina Chaplin at Drystan, nakapako sa kinatatayuan.
Sa aming lahat, si Chaplin ang unang nakabawi ng kanyang huwisyo. Lumapit siya kay Andrea at marahan itong hinawakan sa braso. "A-Andrea . . . Andrea, siguradong narito lang siya. Ikaw na mismo ang nagsabi, hindi ka iiwan ng kapatid mo. Malay natin, nasa bahay n'yo na pala siya?"
Nagsimulang humikbi si Andrea pero kasunod nito ay ang marahan niyang pagtango-tango, bakas ang desperasyon sa mukha. "T-Tama ka. B-Baka nasa bahay na siya . . . B-Baka nag-aalala na siya kasi wala ako roon."
Inalalayan ni Chaplin si Andrea sa paglalakad at nilingon kami, nagpapaalam sa pamamagitan ng tingin. Pinanood namin silang umalis hanggang sa tuluyan silang maglaho sa aming paningin.
Narinig ko ang huni ng mga ibon nagliliparan sa ibabaw ng mga puno. Nakita kong lumiliwanag na ang kulay ng kalangitan kaya naman napatingin akong muli kay Drystan. Nanlumo ako nang makita siyang nakadungo at nakabagsak ang mga balikat, tila ba nalulunod sa sariling panimdim.
Lumapit ako sa kanya at marahang hinawakan ang magkabila niyang pisngi. Unti-unti kong iniangat ang kanyang mukha at doon ko lang nakita na nanunubig na ang kanyang mga mata.
BINABASA MO ANG
The Boy in the Mirror
RomanceFeeling trapped in the cold town of La Bianco, all Helga wanted was to start a new life in a city where no one knows her name. Forcefully trapped in a mystical mirror for decades, all Drystan wanted was to break free and live again. When they meet...