"Naiisip mo ba ang naiisip ko?" bulong sa akin ni Chaplin habang nagsisiksikan kami sa maliit na silyang nasa loob ng counter ko. Kulang na lang kumandong siya sa akin.
"Pareho ba tayo ng iniisip?" bulong ko pabalik, kunot-noo. Maya't maya kaming napapasulyap kay Drystan na abala sa pagwawalis ng buong shop.
"Sa tingin mo ba kilala ni Mateo si Drystan?" Hindi bumababa ang mga kilay ni Chaplin sa bawat salita, namimilog ang mga mata.
Nalulunod man sa kalituhan, tumango ako. "Malakas ang kutob ko."
Bigla na lamang suminghap si Chaplin na tila ba may napagtanto. "G-Gago . . . Anak ba ni Drystan si Mateo?!"
Isa si Chaplin sa mga pinakamahalagang tao sa buhay ko, pero nang mga sandaling iyon, inaamin ko, gusto ko siyang batukan.
"Ano ba ang pinagbubulungan ninyo?! Kanina pa kayo!" bulalas ni Drystan sabay hagis ng walis sa sahig. Napahawak siya sa magkabilang bewang at hinarap kami ni Chaplin, tila ba isang tatay na gustong pagalitan ang mga anak.
"Anak?" Bahagya akong napadanguyngoy at saka humarap kay Chaplin. "Kailangan mo ba talaga 'yong itanim sa isip ko?!"
"Ayaw mo no'n? Hindi mo na kailangang manganak kung may anak na siya," depensa naman kaagad ni Chaplin kaya lalo akong napadanguyngoy. Bakit ba ganito mag-isip ang kaibigan kong 'to?
"Wala ba talaga kayong balak na sagutin ang tanong ko?" Kuha ni Drystan muli sa atensyon namin, bakas ang kalituhan sa mukha.
"Kaklase namin." Ako na lang ang sumagot.
Saka ko na lang sasabihin sa kanya ang tungkol kay Mateo oras na makumpirma namin ang lahat. Ayoko siyang umasa sa wala.
***
Lumipas ang mga araw at hindi na ulit namin nakita si Mateo. Nalaman namin mula sa mga guro na pansamantala raw itong hindi papasok dahil sa isang karamdaman.
Sa kagustuhang makausap si Mateo, inalam namin ang address niya, kunwari nag-aalala at gusto siyang dalawin. Ngunit nang magtungo kami nina Andrea at Chaplin sa kanilang mansyon, tanging mga katulong lamang ang nadatnan namin. Ayon sa kanila, nasa Maynila raw si Mateo. Sa puntong iyon ay sumuko na lamang kami at nagpasyang maghintay.
Paminsan-minsan akong tinatanong ni Drystan kung sino si Mateo, pero hindi nagbabago ang sagot ko sa kanya. Sa tuwing tinatanong ko naman siya kung may naalala na siya, wala rin siyang ibinibigay na sagot maliban sa malabo pa ang lahat sa isip niya.
Nakakapanlumo dahil pareho kaming may inililihim sa isa't isa.
"Pangako, okay na si Mama. Umiinom na siya lagi ng gamot at lumalabas-labas na rin siya sa silid niya," paniniguro ni Andrea habang ginigiya niya kami papasok sa bahay nila.
BINABASA MO ANG
The Boy in the Mirror
RomanceFeeling trapped in the cold town of La Bianco, all Helga wanted was to start a new life in a city where no one knows her name. Forcefully trapped in a mystical mirror for decades, all Drystan wanted was to break free and live again. When they meet...