"Naalala mo na ba ang nangyari ilang taon na ang nakakaraan?"
Inilapat ko ang magkabilang palad sa paligid ng mainit na tasa. Labis pa rin ang panginginig ng mga kamay ko, at para bang ano mang oras ay sasabog ang puso ko dahil sa sobrang lakas ng tibok nito.
"Puzzle pieces." Hindi ko magawang tumingin kay Tiyo Salvador kaya nanatili lamang akong nakatitig sa bilugang mesang kinauupuan namin. "My memories from that night feel like incomplete little puzzle pieces. The more I piece them together, the scarier it gets."
"Anong naalala mo?" Banayad at may pag-iingat niyang tanong. Ramdam ko sa boses ni Tiyo Salvador ang kayang pag-aalala sa akin.
"Ang apoy sa pabrika. Ang katawan ng mga magulang ko. Ang katawan nina Lolo at Lola . . . " Pumikit ako nang mariin at kasabay nito ang paglabas ng munting hikbi mula sa bibig ko.
"N-Naalala mo rin ba na iniwan kita sa bahay n'yo upang humingi ng tulong?"
Nagawa kong mag-angat ng tingin kay Tiyo Salvador at doon ko lang napansin na maluha-luha na ang kanyang mga mata. Malayong-malayo ang kanyang hitsura ngayon kumpara sa Tiyo Salvador na nakasanayan kong strikto, ma-awtoridad, at hindi halos nagpapakita ng ekspresyon.
Tumango ako at nagbaba ng tingin sa tasa. "Kailangan mong humingi ng saklolo nang gabing iyon kaso may sumira sa mga sasakyan. Masyado akong paralisado ng takot at pagdadalamhati kaya sa sobrang desperasyon mong matulungan ang pamilya namin, kinailangan mo akong iwan muna sa bahay. Nangako ka sa aking babalikan mo ako kaagad."
"At walang araw na hindi ko pinagsisisihan ang desisyon kong iyon, Helga." Nagsimula siyang humangos at doon ko lang napansin ang tuluyan niyang pagluha.
"A-Anong nangyari nang gabing 'yon, Tiyo?" Maging ako ay naluha na rin. "Bakit naroon ang lalakeng 'yon? Bakit niya ako sinaktan? Litong-lito ako sa pira-piraso kong alaala. Gusto kong maalala ang lahat nang masagot ang mga katanungan ko, pero masyado akong natatakot."
Huminga nang malalim si Tiyo Salvador at napalingon siya sa bintana ng kanyang tahanan. Mula sa kinauupuan ay tanaw ko ang puno ng acacia kung saan ako palaging nagpapalipas ng oras, kasama si Drystan.
"Nang gabing iyon, bago pa man ako makarating sa bayan, nakaramdam ako ng kakaibang takot kaya bumalik ako kung saan kita iniwan. At tama nga akong matakot dahil naroon pala si Domingo . . . Naroon siya para ubusin ang pamilya mo."
Napapikit ako nang mariin at paulit-ulit na napasinghap nang maalala ang bawat hataw ng kanyang tungkod sa aking ulo. Wala akong ibang makita maliban lamang sa dugo kong dumadanak sa sahig.
"Umabot na sa sukdulan ng kasamaan ni Domingo, Helga. Kung nagawa niyang patayin ang buo mong pamilya, alam kong kayang-kaya ka rin niyang patayin. Ngunit sa desperasyon kong mailigtas ka, naibunyag ko ang lihim na dapat ay ibinaon ko hanggang sa kamatayan."
BINABASA MO ANG
The Boy in the Mirror
RomanceFeeling trapped in the cold town of La Bianco, all Helga wanted was to start a new life in a city where no one knows her name. Forcefully trapped in a mystical mirror for decades, all Drystan wanted was to break free and live again. When they meet...