Umagang-umaga ay nasa daan na kami ni Drystan, nagbibisikleta patungo sa pinakamalapit na bayan. Panay ang tawanan namin habang nagku-kuwentuhan—well, more like ako ang nagkukuwento at siya itong tuwang-tuwa sa mga naririnig at natututunan niya.
Gaya ng dati, nakaupo ako sa harapang bahagi ng bisikleta at siya naman ang nagmamaneho mula sa likuran. Medyo masama pa rin ang pakiramdam ko, pero dahil kasa-kasama ko siya palagi, nababalewala ko lang ito't naiidaan ko ulit ang lahat sa tawa.
Pinahinto ko si Drystan nang matanaw ko ang isang may kalakihang sari-sari store na napapaligiran ng talyer, bookstore, at kung ano-ano pang shop.
Nang iparada niya ang bisikleta sa gilid ng kalsada, huminga muna ako nang malalim at bahagyang yumuko. Ginulo ko ang buhok ko nang kaunti, sapat lang para maitago nang kaunti ang mukha ko.
Sa isang iglap, bigla na lamang may ipinatong si Drystan sa ulo ko at nagulat ako nang mapagtantong ito ang sumbrerong bigay sa kanya ni Chaplin. Hinila pa niya pababa ang sumbrero at maayos itong isinuot sa akin.
Sa sobrang gulat, napatulala lamang ako hanggang sa naramdaman ko ang marahan niyang pagtapik sa balikat ko. "Huwag kang matatakot. Kasama mo ako."
Napalingon ako kay Drystan at tila ba may kung anong humaplos sa puso ko nang makita ko ang banayad na ngiti sa kanyang mukha. Hindi ko tuloy napigilang ngumiti pabalik, nanunubig ang mga mata nang kaunti.
"Bakit?" Namilog nang kaunti ang mga mata niya, puno ng kalituhan.
Umiling na lamang ako't huminga nang malalim.
"Huwag kang gagawa o magsasabi ng kahit na anong ikaka-agaw ng pansin nila. Maari ka nilang saktan o ibalik sa salamin oras na mapansin nilang may kakaiba sa 'yo. Mapanghusga ang mga tao sa mundong 'to, Drystan," paalala ko sa kanya.
Kumurap-kurap siya at sandaling natigilan, pagkatapos ay tuluyan ding tumango. "Sa 'yo lang ako maniniwala at magtitiwala."
***
Habang namimili ng mga makakain namin para sa buong linggo, sunod lang nang sunod si Drystan at inoobserbahan ang bawat galaw ko. Hindi siya nagtatanong o nagsasalita man lang, pero ramdaman ko sa mga titig niya ang kalituhan at kagustuhang matuto.
Habang nagbabayad ng mga pinamili, bigla akong may naramdamang kakaiba. Mabilis akong lumingon kung saan nakatayo si Drystan at labis akong natakot nang hindi ko siya makita.
Dali-dali akong tumakbo palabas sa tindahan ngunit ding naapula ang takot ko nang makita si Drystan sa kabilang dako ng kalsada, tahimik na pinapanood ang mga lalakeng nagkukumpuni ng isang bisikleta.
Biglang lumingon siya sa akin si Drystan. Ngumiti siya akin, tila ba sinasabi sa aking masaya siya sa mga nakikita kaya naman ngumiti ako pabalik at pumasok na ulit sa loob ng tindahan.
BINABASA MO ANG
The Boy in the Mirror
RomanceFeeling trapped in the cold town of La Bianco, all Helga wanted was to start a new life in a city where no one knows her name. Forcefully trapped in a mystical mirror for decades, all Drystan wanted was to break free and live again. When they meet...