Kapag hapon, at pagkatapos ng uwian sa ating paaralan, sanay na sanay na lamang ako sa hintayan. Makita lamang ang kulay ng iyong mga mata, kapag didikit sa iyong balat ang sinag ng araw na tama lamang ang init, hindi nakapapaso. Biyabit ang dala mong gamit, suot-suot ang tsinelas, at pambahay na damit, at ika'y akbay-akbay, magkasabay ang hakbang ng mga paa sa bawat lakad.
Habang nakikinig sa musika na pabor sa aking hilig, wala kang reklamo, ikinubli mo sa iyong puso ang bawat himig. Paborito kong parte ng aking bukas ang dapithapon, inaabangan ko ang pagpatak ng ala-singko; sa oras na kung saan malapit nang lumubog ang araw, kikitain ang dilag na unang nasulyapan sa ibabaw ng entablado. Pangako, ako ay hindi mahusay sumulat ng tulang pag-ibig.
Kung ako ay muling gigising sa umaga, at isusulat ko ang unang tula na tungkol sa pag-ibig, ikaw ang isusulat ko. Kaya minsan, kapag hawak ko ang iyong pawisan na kamay, hinahawakan ko ito nang mahigpit, ayaw kitang makawala. Minsan lamang ako naging madamot, natatakot akong may mawala.
Hindi ako mahusay magsulat ng mga tulang pag-ibig, ngunit kung ako ay susulat ng tulang tulad nito, ihahayag ko kung paano kita nakikita sa mga simpleng bagay, sa kapaligiran; sa ulap, sa mga puno't bulaklak, at sa mga alaala.
Isusulat ko kung paano tumutugtog ang mga hibla ng iyong buhok na parang kuwerdas ng gitara na tinutugtog ang paborito kong awitin.
Pangako, nang unang beses nagmura ang Diyos, ito ay dahil sa iyo. Pinanganak ka bilang isang rosas na kukumpas sa paghampas ng hangin, kung paano ito hinahabol ng mga paruparo sa hardin. Hahanapin kita sa aking imahinasyon at panaginip. Mahahanap kita kahit saan, nakabisado ko na ang iyong hitsura noong nagkatagpo ang ating mga mata sa loob ng tatlong segundo. Bulag daw ang pag-ibig, ngunit ang aking tula ay pagsamong pasigaw, upang marinig mo.
Ang tinig kong malumanay kapag nasa iyong harapan. Ilang araw at buwan din akong nag-ensayo kung pa'no magpakilala, at sisimulan ko ito sa isang "magandang gabi", at "kumusta ka?". At nang lumubog ang araw, at tanging mga ilaw sa karsada ang namutawi sa aking mga mata, ako ay nanalangin. Kinumbinsi ang aking anino na ako'y sundan para may kasama sa dilim, ngunit napakabuti ng Diyos sa akin, binigyan niya ng kasama ang anino, at tinabihan ito, at naging isa sa mata ng langit at mga bituin.
BINABASA MO ANG
Palamutian
PoetryKoleksyon ng mga tula, prosa, dagli, at awitin na binigyang kulay, liwanag, at emosyon ng mundo sa mata ng isang hamak na tao.