Eksplinasyon Kung Bakit Minsan Palaging Nagagalit

39 4 0
                                    

Ang aking galit ay isang gripo na nawalan ng pihitan upang mamatay ang pag-agos ng tubig ng inis, ng mura, ng masasamang salita, at ang aking katawan ay ang nag-uumapaw na timba na punong-puno, na umaagos sa semento ng konsensiya ang tubig, na nasasayang lamang, na napupunta lamang sa wala. Hindi magagamit sa oras na kung kailan kailangang gamitin, hindi magagamit sa oras na kailangan ipaligo kapag nasasaktan.

Ako ay isang dinamita. Na kapag sinindihan ng isang dahilan upang magliyab, biglaang sasabog. Ang dulo ng aking dila ay mapanil, isang matalim na sandata na hindi ko nais makahiwa ng laman, ngunit tinuring na kailangan ng aking galit, kailangan. Kailangan. Kailangan. Ang kailangan ay kailangang mawala, ngunit ayaw makawala.

Nangaso sa kagubatan ng pagiging kalmado, hinanap at kinatay ang mga dahilan para hindi na muling magalit.  Niluto at kinain ang mga dahilan upang hindi na magalit, na gumapang paakyat sa aking lalamunan, tumakas palabas sa aking kalamnan, na maduwal-duwal kong isinuka. 

Ang aking galit ang halimaw. Ang halimaw na umiistorbo sa aking pagtulog, na sa unang bungad ng umaga ito ang sasalubong. Ito ang unang reaksyon sa tuwing makikita ang mga bagay na ayaw makita. Minumulto ng aking galit ang aking katawan, ako ay natatakot sa kaniyang hitsura, sa kung ano ang kaya nitong gawin kapag nandilim na ang aking paningin.

Kung makakaya lamang na ipagpalit ang aking galit, gamit ang mga pinakamagandang alaala na aking pinakatatago, kung kaya lamang tagtagin ang galit na tulad ng pagkawala ng aking ngiti. Hindi na muling magagalit, hindi na muling ikukuyom ang kamao sa tuwing magtitimpi, hindi na muling bubuo ng mga senaryo kung paano kita papatayin sa loob ng maraming paraan.

At siguro, ang galit ko ay ako. At hindi ko kilala ang sarili ko.

Ang galit ko ay ako. At hindi ko pa lubusang kilala ang sarili ko.

PalamutianTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon