Ang mga susunod na impormasyon ay pumapatungkol sa isang manunulat na inyong makikilala maya-maya pa lamang. Siguraduhin na handa ang inyong mga isip, at puso sapagkat wala lamang, tungkol kasi sa akin ang piyesang ito. Self-centered ito kaya bahala na kayo sa buhay niyo. Biro lamang...
Maingay ako sa lahat ng pagkakataon, kadalasan akong nagmumukhang gago sa mga sitwasyon na kailangan palagiang magseryoso. Nananahimik naman ako, minsan nga lamang. Nananahimik ako dahil sa tatlong dahilan: kapag ako ay may sakit, kapag ako ay galit, at kapag ako ay nagsusulat. Ngunit minsan, nananahimik din naman ako, kapag hindi ko alam ang sagot sa recitation.
Mahilig ako sa sampalok, sobra. Kaya ko itong kainin araw-araw nang hindi nagsasawa.
Mahilig akong maglakad-lakad, dahil hilig ko ring pagmasdan ang mga taong naglalakad na aking nakakasabay. Hindi ko sila kilala, pero iniisip ko kung ano ang iniisip nila habang humahakbang. Iniisip ko na iniisip din kaya nila ito?
Mabait naman akong tao, siguro? Mahusay akong makisama sa ibang tao, palagi akong may sasabihin at hindi ako nauubusan nito.
Madali akong magalit, at mainis ngunit inaaral ko naman kung paano ito paamuhin. Lubos kong kinaiinisan ang mga tao na hindi nag-iisip nang lohikal.
Madali akong mainis, ngunit hinahayaan ko ang aking maingay na bibig na resulbahin, at ayusin ang anumang sigalot na dumarating. Sapagkat ayaw kong paganahin ang aking kamao, tangan ang dahas na panandaliang naibato ang aking moralidad.
Ako ay labing-pitong taong gulang, at ayon sa astrolohiya ako raw ay isang cancer. Hindi ako naniniwala sa mga ganoon pero oo, inaamin ko na madalas akong magbasa ng mga horoscope na pumapatungkol dito. At oo, minsan tumatama, pero hindi pa rin ako naniniwala sa kredibilidad nito.
Kapag ako ay napapangitan sa sarili ko, iniisip ko na may ibubuga ako sa ibang bagay, para mapagaan lamang ang aking pakiramdam. Mahusay akong magsalita, ayan ang sabi ng iba. Pangarap kong maging abogado, at pangarap ko ring maging ganap na makata.
Ako ay may malinaw na pananaw kung pa'no maaayos ang lipunan. Ngunit, hindi ko kailanman ginamit ang mga ito upang doktrinahan ang ibang tao, ngunit sinasabi ko ang aking mga pananaw upang magbukas ng panibagong kaalaman sa iba.
Hanggang ngayon, ay hindi ko pa rin alam kung bakit ako nagsusulat. Siguro, dahil nais kong makita ng iba ang tunay na mundo na punong-puno ng kapighatian, at kagandahan sa magkaparehang oras ng pagsibol ng mga ito. Hindi ako mahusay na manunulat, namimintig ang aking mga kamay sa tuwing ako ay magsusulat tungkol sa aking nararamdaman, ngunit palagian kong tinatapangan para subukan; hanggang sa makasulat.
Ang aking sagisag panulat ay Pandemonologo. Kombinasyon ito ng iba't ibang salita na maaari kong makita ang aking sarili. Ang mga salitang ito ay: Pandemonium, Demon, Mon, at Monologo. Para sa akin, ang corny nito. Ilang beses ko ring inisip na ito ay palitan, ngunit ito ang aking paraan ng paglingon sa aking pinanggalingan. Ito ang unang sagisag panulat na aking naisip, at hindi ko kailanman ito pinalitan.
Hindi ako mahilig magbasa ng mga libro dahil ako ay tinatamad. Ngunit, masipag akong magsulat, ironic ba? Oo. Palagi akong nagmumura, palagi kong iniisip na baka ang dilim ay takot sa dilim.
Hindi ako mahusay lumangoy kaya siguro naranasan ko nang malunod sa aking isipan na pilit ako hinihila patungo sa kalungkutan. Patuloy kong iniisip na may pag-asa pa ang sanlibutan na maging maayos. Na ang ating lipunan ay may pag-asa pang mabuhay nang mapayapa, nang may pagkakapantay-pantay. Palagi ko itong iniisip, dahil sinusubukan kong magsulat ng pag-asa sa ibabaw ng aking isip, para makita ng iba na kaya ng mga piling tao na bigyang liwanag ang reyalidad ng bansa.
Kumusta? Ako si Mon. Hindi ako mahusay sa pagiging tao, ngunit palagi kong sinusubukan, palagi kong ginagalingan maging makatao, maging ako, at maging manunulat. Dahan-dahan kong tinutupad ang aking mga pangarap kahit na ang usad ay makupad. Sapagkat, ako ay naniniwala na darating ang pagkakataon na ang lahat ay magtatagumpay sa kanilang mapipiling larangan, kailangan lamang natin tanggapin, at paghusayin ang ating mga sarili, ang ating mga potensyal.
BINABASA MO ANG
Palamutian
PoetryKoleksyon ng mga tula, prosa, dagli, at awitin na binigyang kulay, liwanag, at emosyon ng mundo sa mata ng isang hamak na tao.