Pamamanhikan

41 4 0
                                    

Sa aming barong-barong,
Papanhik ang isang lalaki
Biyabit ang pagsasaluhan
Ng dalawang apilyedo
Sa ilalim ng butas na bubungan.

Walang pag-aalinlangan.
Hinayaan ng aking ama't ina
Ang lalaki na ako ay kaniyang matali.
Para raw may kasama,
Para sila raw ay mabigyan kaagad
Ng apo, habang sila'y nabubuhay pa.

Bulungan ang sigawan.
Kung saan dapat idaraos
Ang kasal, ang salo-salo.
Nagpakilala isa-isa,
Binabasa ang mga ugali,
Humahagilap ng mali.

Pangako, ang konsyertong ito
Ay nakaririnding kundiman;
Awitin ng pag-iibigan
Sa pagitan ng papeles, at yaman.
Sa kung ano ang kayang ibigay,
Nakaangkla ang timbangan.

Sa aming barong-barong,
Papanhik ang isang lalaki,
Biyabit ang posas
Ng kaniyang apilyedo.
Pilit pinalulon ang susi
Sa aking lalamunan.

May pag-aalinlangan,
Hindi kailanman ninais na hayaan
Na igapos ng lalaki,
Upang manumbalik sa kaniya
Ang hinugot na tadyang
Sa paghugot sa aking katawan.

Upang 'di na makatakas.
Sapagkat, malayo ang bait
Ng kaniyang kahinugan,
Sa aking murang gulang.

PalamutianTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon