Nena

36 4 0
                                    

Nena, sinukong sarili sa aliwan at peryang halayan.
Nena, sampung taon sa industriya,
Nang malam'nan ang bulsa't sikmura,
Nilunok ang dignidad, pinutahe ang laman,
Inihain sa mga nais tumikim, at natitigang.

Sa harapan ng mesang may serbesa,
At siya ang pinulutan, nakagapang ang mga kamay,
Habang ang mga tuhod ay katal na tila dahon.

Pinilahan nang makitang bukas at pwedeng kainan.
Suot ang kasuotang lamang ang hubong balat.
Hindi maitago ang galos at pasa ng telang manipis.

Hindi maitatago na hindi nais ngunit kailangan.
At nang nakahanap ng panibagong ulam na pulutan,
Si Nena na sampung taon sa industriya'y kinalimutan.

Nena, pumasok sa ibang industriya,
Upang malam'nan ang bulsa't sikmura,
Nilunok ang kaba, sa pag-abot ng pakete,
Ibinahagi sa mga nanlilisik ang mata,
Sa isang bangketa, sa mga eskinita,
At siya'y bawal mabitin sa bayad,
Tinignan nang maigi kung magkano ang nasa palad,
Saka karipas ng takbo na parang walang nangyari.

Hindi pinipilihan, bawal may makakita sa iyo, Nena.

Nena, isinilid sa isang sako't inihagis sa lawa.

Nang sinubukang magsalita dahil sa kulang na benchingko,
Tinutukan ng matalim na balisong sa may tadyang,
Iginapang ang kamay sa baywang patungong hita,

Hindi niyaya ngunit dinala sa isang condo sa Cubao,
Hindi bukas ang kainan, 'di rin nais pagbilhan,
Hawak ang braso ni Nena, mahigpit, 'di kayang magpumiglas.
Sanay ba si Nenang mahalay?

Si Nena, dalawamput-limang taong gulang,
Nang nahanap ng kaniyang ina sa lawa ng mga luha,
Lasog-lasog ang katawan, parang ginayat na laman ng baboy,

Sa loob ng isang sako na may kasamang dalawamput-limang piso.

Halina sa burol ni Nena, kumain ng sopas, magsugal nang matagal,
Hanggang umahon ang araw,
Hanggang maubos ang pangtaya,
Sapagkat, kailangan ng abuloy ng patay.

PalamutianTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon