Disenyo ng Kamatayan

31 4 0
                                    

Palagi kong iniisip kung ano ang sining sa likuran ng aking magiging kamatayan. Kung ano'ng disenyo nito na pinalitaw ng teksturang dahilan, na pinalinaw ng makulay na buhay na pininta ng isang mahusay ngunit may kapintasan na pintor.

Madalas kong isipin kung ano'ng mangyayari sa hinaharap, kung ano ang mensahe ng masining na buhay, kung paano nito irerepresenta sa metaporikal na paraan ang aking pagbisita sa mundong ibabaw.

Hindi ako ang simuno ng pangungusap na titigil sa isang kuwit upang huminga, at magwawakas sa iisang tuldok upang malagot ang paghinga. Hindi rin ako ang persona ng mga prosa ng luhaang manunulat na hindi alam ang dahilan ng kaniyang pagsulat, na walang tugmaan ang mga dulo ng salita, ngunit may nais iparating sa lilim ng mga metapora, at balintuna.

Palagi kong iniisip na ang bawat isa ay may kaniya-kaniyang disenyo ng kamatayan na pinipinta ng tadhana gamit ang iskoba na may kumakayat na pintura ng mga kasalanan, at kabayaran, na kinulayan ang puti at blangkong lona ng kamusmusan.

Iba't-iba ang kulay, iba't-iba ang metapora. Isa-isa ang kahihinatnan.

At kapag natapos na ang pagpinta, kahit ano pa ang iyong ginagawa, kapag ikaw ay tinawag ng pintor upang matanaw ang kaniyang obra, ikaw ay magtutungo sa kaniyang tabi, at pagmamasdan ang lona na tadtad ng pintura na naglamusak sa masining na paraan, habang ang iyong katawan ay pinagpipiyestahan ng mga taong pinipinta pa lamang ang disenyo ng kanilang sariling kamatayan.

Palagi nilang iniisip kung bakit ikaw ang nauna. Sabay usal na sila ay iyong gabayan na tila sila ay may pahabilin, na tila makakaya mong paslangin ang pintor upang magtigil.

Sapagkat ang araw, buwan, at taon ay segundo. At ang segundo ay nagmamano-mano kung sino ang magiging simuno ng padasal, kung sino ang hindi na makauusal matapos ang obra, ang tuldok.

PalamutianTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon