Tinuring ko ang iyong katawan bilang isang obrang hindi pa tapos,
Kung saan nakaguhit ang iyong imahe, na kailangan kong kulayan, at tapusin.
Una, hindi ako mahusay sa sining.
Hindi ako pintor, ngunit aking sinubukan.
Hindi ako marunong gumuhit, pero sinubukan kong iguhit
Ang nais kong mangyari sa aking bukas, habang kasama ka.
Pangalawa, hindi ka isang pagsusulit na kailangang sagutan.
Hindi kailangan ng burador upang masiguradong tama.
Wala sa mga aklat ang kasagutan, wala rin sa aking kwaderno.
Ako, ako ay bumagsak; sinubukan kong kuhanin ulit ang pagsusulit, pumayag ka.
Inisip ko noon na ikaw ay isang misteryo na kailangang lutasin,
Na mayroong mahika sa likuran ng walang kasiguraduhan
Na ang aking nakita ay totoo, o isa lamang guniguni?
Pangatlo, mahiwaga, ngunit nakalalason.
Inisip ko na ang iyong damdamin ay isang gulo na kailangang ayusin.
Pang-apat, tinuring kitang bungkos ng dahon na kailangang walisin.
Inisip ko na ikaw ay tubal na damit na kailangan linisin.
Panlima, tinuring ko ang aking sarili bilang isang bayani.
Hindi nangangailangan ng saklolo, ngunit iyon ang aking naramdaman.
Sinubukan kong tumulong para lamang mahiwa sa papel na aking pinapel.
Hindi ako marunong bumilang, ngunit pang-anim.
Hindi ako marunong lumangoy, ngunit sinubukan kitang sagipin sa pagkalunod.
Pampito, ako ang lason na lumalason.
Pangwalo, ako ang lason.
Pansiyam, ikaw ang nalason.
Pansampu, hindi ako makahinga.
Ngunit hindi ka nanghihingi ng saklolo,
Ako, ako lamang ay naging intrimitido.
BINABASA MO ANG
Palamutian
PoetryKoleksyon ng mga tula, prosa, dagli, at awitin na binigyang kulay, liwanag, at emosyon ng mundo sa mata ng isang hamak na tao.