Eulohiya para sa Diyos na namatay

36 4 0
                                    

Maituturing ko ang aking relasyon sa Diyos bilang isang komplikadong makinarya na mahirap paganahin sapagkat walang binigay na hakbang kung paano. Pinag-aralan ang mga konsepto, sa kung paano nilikha ang sansinukob, kung paano nililok ang sangkatauhan mula sa abo, sa kung paano iniatas sa mga ito ang pananagutan na pangalagaan ang sanlibutan at ang mga nilalang na ginawa itong tahanan. Binasa ang parte kung saan unang nagalit ang Diyos sa Kaniyang mga nilikha, nang tikman ang bungang kaalaman ng kabutihan at kasamaan. Pinalayas sa hardin ng Eden, at nagparami para lamang magpatayan ang kanilang mga anak. Pangako, ang Diyos ay hindi perpektong nilalang na inilatag ang Kaniyang hitsura sa Kaniyang mga obra.

Maituturing ko ang aking relasyon sa Diyos bilang isang komplikadong makinarya na buhay at natutututo sa pagtatanong. Pinag-aralan ang mga konsepto, sa kung anong klaseng panginoon ang Maykapal. Nang maramdaman ang pagtibok ng aking puso sa ibabaw ng aking lalamunan, nang piliin kong umimik kaysa manahimik, maraming nabuhay na katanungan. Ang Diyos ay isang madamot na nilalang, ngunit may dahilan upang magdamot, dahil katulad ng isang magulang, Siya rin ay isang Ama na strikto ngunit mapagpalaya. Siya ang unang manunulat na mula sa wala ang mundo ay nilikha; katulad ng mga makatang bihasa sa pamimili ng salita, binuo Niya mula sa isang salita ang simula, habang Siya ang salita ng simula.

Siya ay hindi perpekto, ngunit Kaniyang sinubukan. Siya kung minsa'y magulo, ngunit marunong matuto.

Maituturing ko ang Diyos bilang isang panginoon na nakararamdam ng pag-iisa, dahil sa Siya ay walang kasama na Kaniyang katulad. Palagi kong nakikita ang Kaniyang sarili sa Kaniyang mga nilikha, na marunong makaramdam, na marunong magpatawad, na marunong lumuha at magalit. Ngunit, walang sinuman ang nanalangin para sa Kaniyang kapakanan, sa Kaniyang nararamdaman.

Siyang marunong magkasala, lumabag sa Kaniyang patakaran, sa Kaniyang mga katuruan.

Siyang mapanghatol, ngunit mapagpatawad. Siyang luhaan ngunit hindi marunong humingi ng saklolo.

Sampu ng kaniyang mga iniwan, Siya ang tayo, ang tayo ay Siya. Tinuring na pinuno sapagkat Siya ang Maylalang. Ang huling mapagbigay ang tatanggap ng alay ng isang mariing nobena para sa Kaniyang namaalam na kaluluwa.

Itinuring ko ang aming relasyon bilang isang komplikadong makinarya na mahirap paganahin sapagkat walang binigay na hakbang kung paano. Mananatiling komplikado, sapagkat hindi nakabisado.

PalamutianTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon