"Humakbang" salitang kumawala sa iyong labi. Binalangkas ng iisang salita ang nais kong ikubli. Hinawakan ang aking palad, kasabay no'ng ingay ng kampana, hudyat ng ala-sais, sa itaas ay ang ulap na mataas at hindi ko binilang.
Sa mga karsadang madilim, inaya ako ng aking anino. Mga malabong salamin at ilawan, lagim ay matutukso. Dumadampi sa iyong balat ang mahinang paghampas ng hangin. Sumunod ang bawat hibla ng 'yong buhok na maging ang sugat ay tatahiin.
"Lakad" salitang pinakita ng ating paghakbang. Hindi alintana ang init sa lamig at ang tinginang nakapapaso. Humiyaw upang maakbayan, nag-awitan ang mga bandang nakabasa sa kagustuhan, alam ang bawat baho.
Sa gitna ng karsada ang entabladong tayuan. Nagpagalingan sa pagsandal ang mga katawan. Sa balikat ma'y hindi pantay, dinaig ng tuntungan, hanggang kalangitan. Habang ang mga bituin ay nagkantahan, tayo ay ibinuno.
"Takbo" ani ko, dahan-dahang inalis ang pagkapit ng daliri. Ang tingin ay iniwas, tindig ay humina, nasaan ang kumandili? Nasa likuran at nagtago sa lagim. Siya ang dilim. Sa ilawan sa aking harapan, sa akin siya lumilim.
BINABASA MO ANG
Palamutian
PoetryKoleksyon ng mga tula, prosa, dagli, at awitin na binigyang kulay, liwanag, at emosyon ng mundo sa mata ng isang hamak na tao.