Kung Paano Ako Natakot Sa Ulan

76 7 0
                                    

Sinabi ni Ama't Ina na kapag nagsimula nang pumatak ang mga butil ng ulan sa aming bubong ay huwag na huwag na kong lalabas. Delikado raw ang ulan lalo na kapag takipsilim, sa mga oras na kasi na iyon ay madilim lalo na't ang nayon nami'y walang kuryente at sapat na ang kandila't lampara upang madaig at mabalot ng liwanag ang dilim.


Isang gabi, si Ina ay 'di agad nakabalik sa aming tahanan. Nag-umpisa na si Ama na mag-alala na baka si Ina ay abutin ng ulan sa labas at malamigan. Kaya sinabi ko kay Ama na huwag siyang mangamba, balot na balot si Ina ng burka kaya siya ay 'di na dapat mag-alala. Si Ama ay 'di nagpapigil sa kaniyang nadarama, mahal na mahal niya siguro si Ina, kung kaya naman, siya ay tuluyan na ngang tumungo palabas ng bahay. Bago ito ginawa ni Ama, sinabihan niya ako na huwag na huwag akong lalabas ngayong gabi dahil baka umulan nang malakas, hayaan na lamang niya na sumilong ako sa ilalim ng aming mga bubong. Kumain na raw ako kung nais kong mauna at kung nagugutom na raw ako. At ilang beses niyang inulit na huwag na huwag akong lalabas ng bahay, kahit anong mangyari.


Ang ulan sa aming nayon ay 'di nagtatagal. Ito ay panandaliang dagungdong at pagpatak ng sindak na panigurado ang lahat ay magsisigawan sa unang patak at ititikom ang mga bibig at iuumid ang dila sa ikalawang pagbagsak ng ulan. Lumaki akong may pagtataka sa ulan, kahit hindi ko pa naman ito nakikita gamit ang sarili kong mga mata. Lagi akong niyayakap ng aking Ina kapag ang ulan ay pumapatak na.


Ngayong gabi, nangyari ang unang ulan na wala akong kasama't kayapos. Sa loob ng sampung segundo, pumatak nang todo ang ulan na tila bumubutas na sa mga pader na manipis na yari sa kahoy at yerong kinakalawang.


Nag-alala ako kung bakit wala pa sina Ama't Ina, baka nalalamigan na sila dahil sila ay walang nasilungan. Nais kong magtungo sa labas ngunit ako'y natatakot sa dilim. Itinulog ko na lamang ang aking pag-alala at sa paggising ko sa umaga, ang pinakauna kong ginawa ay binuksan ko ang pintuan ng aming bahay.


Tumambad sa aking mga mata ang nanlalamig na katawan ng aking mga magulang. Maraming butas sa kanilang katawan maging sa ulo at mukha. Punit-punit ang damit ni Ina at si Ama naman ay nakagapos ang mga kamay. Sinipsip na ng buhangin ang kanilang mga dugo. At sa unang pagkakataon, natakot ako sa ulan na bumubutas sa laman ng aking mga mahal sa buhay. Sa ulan na nananakot sa maiksing oras at panahon, at sa ulan na maingay at madamot na ang nais ay siya lamang ang may ingay, hindi ang aming mga bibig.


Kung paano ako natakot sa ulan na kumitil sa aking pagkabata, sa ulan na pumupunit ng damit at bumubutas ng bungo. Kung paano ako natakot sa ulan na naging dahilan kung bakit ako naging mag-isa sa murang edad. Ngunit, bakit bagyo na ang naririnig ko sa labas ng aming tahanan?

PalamutianTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon