Ramdam ang pagtaas ng mga paa sa kalupaan, magiging matayog ang paglalakbay. Sa unang pagkakataon, noong nahawakan niya ang palad ng taong walang pangalan.
Nalunod sa mga malalim na kataga, sa awitin na ang pamagat ay: Nagsimula sa Pinakaunang Salita ng Umpisa: Sa Bibliya: Kailan at Saan?
Umidlip sa kamay ng babaeng una niyang nahagkan, nagpaikot sa talutot ng mga bulaklak sa dapithapon ng Mayo.
Sinagot ang tanong, kung kailan ka huling nagdasal;"Humingi ng saklolo?" nanghingi ng pangitain.
Umahon sa karagatan ng mga ordinaryong imahe, Sa tula na ang mensahe ay: " Tumawag ka sa Kaniya, at mahahanap mo ang hinahanap mo."
Nangatwiran sa isa pang sagot na kaniyang sinagot, sa mga naunang sinagot, na babaguhin ang pagiging sagot nito sa pamamagitan ng isa pang sagot.
Ang tawag nila rito ay: sagot nilang mga 'di sigurado.
Kaya naman, sumulat siya ng mga kwentong nilapatan ng mga titulong: Pagyabong sa Rurok ng Kasarimlan: Sa Gitna ng Walang Kasagutan: Pagluhod sa Altar, at Pagdarasal: Pagpapakita sa Kaniyang Harapan;
Ilan pang dusa ang bibilangin, hanggang sa maglaho; nang walang dasal at paghingi ng tulong ang dadatal sa labi ng lumuha.
Kailan makakakita, nang 'di gamit ang mata, ang kaniyang hinahanap sa bawat pagdaan ng mga batang mag-aalay ng bulaklak sa simbahan.
Panahon ng Flores de Mayo. Sa unang pagkakataon, noong dinama niya ang labi ng isang birhen.
Kailan muli susulat ng mga tulang papamagatang: Maniniwala: Kahit Kailan at Saan;
At ang manunulat ay siya na ring taga-basa, na hindi gamay ang sariling nilikha, katulad Niya...
BINABASA MO ANG
Palamutian
PoetryKoleksyon ng mga tula, prosa, dagli, at awitin na binigyang kulay, liwanag, at emosyon ng mundo sa mata ng isang hamak na tao.