"HINDI ba siya belong?"
Patuloy sa pagtatawanan sila Ma'am Rebecca kasama pa ang isa nilang anak, si Yasmine. Enjoy na enjoy sila sa kuwentuhan nila habang nakatutok lang ang mata ni Aquilla sa pinggan, sumusubo lang na para bang siya lang ang mag-isang kumakain. Wala silang interes kahit balingan man lang sana nila ng sulyap, kaso halos hindi nga nila siya malingon.
Huling kita ko sa kapatid niya ay grade four pa lang ito noon. Hanggang ngayon wala pa rin akong makitang pagkakahawig nila bilang magkapatid. Lalo pa ngang hindi ko inakala na mas matangkad siya sa akin ngayon. Partida, mas matanda pa ako sa kaniya ng tatlong taon. Bakit ba kasi ako pinagkaitan ng tangkad?
"Talagang ganiyan na sila," sagot ni Ate Ana na ikinalingon ko. Umabot pa rin pala sa kaniya ang sinabi ko.
"Ano pong ibig mong sabihin na ganiyan sila?"
Inalok ng papa nila si Yasmine ng pagkain, ganoon din ang ginawa kay Ma'am Rebecca, pero hindi man lang inalok si Aquilla kahit magkatabi lang silang mag-ama.
Kanina pa rin ako nag-o-obserba kung paano sila magsalu-salo sa hapag. Lagi talaga siyang hindi nagsasalita kasi hindi rin naman siya tinatanong at pinapansin.
Maraming nakahanda pero parang may limitasyon lang dapat ang kainin niya o baka naman nao-overanalyze ko na iyong sitwasyon at ang may ayaw lang talagang makihalubilo ay siya. Siguro nga ay ayaw lang niyang makisama sa kanila.
"Mabuti pa tulungan mo na si Manang Fe sa kusina at baka masermunan pa tayo," bulong niya sa akin.
Ang paraan ng tingin ni Ma'am Rebecca noong sumulyap siya sa gawi namin ay sinasabing kumilos kami.
"Mataas ba sahod ni Manang Fe kaya laging nanenermon sa atin?" tanong ko pagtalikod.
"Siguro," kibit-balikat niyang sagot, naghuhugas ng ilang pinggang ginamit sa pagluluto kanina. "Hindi ko rin alam kasi ang alam ko lang ay siya iyong head maid dito. Malakas siya kay Madam Rebecca."
Bumilog ang labi ko. E 'di dapat kay Manang Fe ako dumikit. Kaibiganin ko nga si manang para naman hindi laging mainit ang ulo sa amin ni Ate Ana.
“Paborito pala siya ni ma'am. Mabuti nagkakasundo silang dalawa.”
Matandang dalagang mataray ang asta ni manang pero alam kong malambot siya sa loob-loob. Ayaw lang niya sigurong may sumisisipsip sa kaniya. Sisisipsip ako nang hindi pahalata para tumagal ako rito.
Kahit anim na buwan lang, okay na ako roon. Tataas din daw sahod kapag maganda ang trabaho mo at baka isama rin ako ni ma'am sa mga lakad niya. Sa-sideline pa akong chaperone kung mangyayari nga.
"Kay bago-bago, tsismis agad ang inaatupag."
Nagitla ako sa boses ni manang galing sa likuran ko.
"Sorry po, manang." Kumuha ng pinggan na nasa palanggana para banlawan.
"Kilos na," mariin niyang utos sa hindi pasigaw na tono.
"Manang, may tanong po ako. . ." pamimitin kong tiningnan si Ana sa gilid ko.
Siniko niya ako pero binalewala ko lang. Pinanlakihan niya ako ng mata, itinapat pa ang hintuturo sa labi.
Lumingon ako kay manang na ang dalawang kamay ay nasa kaniyang baywang. Medyo nakaarko rin nang kaunti ang kaliwang kilay.
"Para kasing anino lang—mas masahol pa sa anino ang presensya ni Aquilla," sabi ko sabay nakaw ng tingin sa hapag na nagkakatuwaan pa rin sila at tahimik lang siyang sumusubo.
"Iyong junior ang tinutukoy niya, ano?" kalabit na tanong ni manang kay Ate Ana.
Tumango siya kay manang. Seryosong binalingan niya ako ng tingin. Dalawang beses niyang tinapik ang balikat ko. Dahan-dahang ipinaharap sa lababo, iginiya ang kamay kong ilublob sa umaapaw na palanggana at ibinuka pa ang mga daliri ko para lang mahawakan ko ang pinggan sa ilalim.

BINABASA MO ANG
A Change of Heart
RomanceEl Belamour Series #4: A Change of Heart --- Lykadine is the family breadwinner and an ambitious person who aspires to be wealthy one day. She wanted to spoil her family so they could experience the luxury that her parents had not experienced when t...