Chapter 7

39 4 0
                                        

NANGINGINIG ang kamay kong hawak-hawak ang lapis kong nakatutok sa isha-shade kong letra sa exam sheet. Halos balutin na nang mahihina kong pagbuga ng hangin ang buong classroom kaysa sa buga ng air-condition sa tabi ko.

Sampung numero na lang, isu-submit ko na. Ayaw ko pang ipasa ang papel ko kahit puputok na ang pantog ko sa pagpipigil ng ihi. Dumagdag pa iyong lamig na sumisiksik sa katawan ko. Galaw ako nang galaw, hindi ko alam kung ano ba ang dapat na posisyon para pigilan pa ang ihi ko at iwasan ang buga ng lamig.

Bawal naman na raw umihi kapag nag-umpisa na ang exam. Alam ko namang papayagan akong umihi dahil sabi lang ni ma'am iyon, pero wala pa kasi akong nabuong solid na alibi kung ibabato niya ang tanong na iniiwasan ko.

"Is there something wrong with your test paper, Miss Ditona?"

Umiling ako. "No, ma'am." Halos ako lang yata nakarinig ng sinabi ko.

Binalingan ako ni Sabina na nasa kanan ng katapat kong babae. Pilit lang akong ngumiti sa kaniya at tumitig sa test paper ko.

Karamihan sa mga sagot ko ay hindi ako sigurado. Umaasa na lang ako sa stock knowledge na mayroon ako, kaso wala rin yata akong aasahan dahil sobrang hirap ng mga tanong. Wala naman ito sa inaral ko noong nakaraang linggo na galing sa notes at reviewers na binigay ni Sabina, lalong-lalo naman sa libro.

Akala ko magiging mani lang iyong auditing kasi medyo gamay ko ang FAR subjects, pero ako yata ang magiging mani sa mga oras na ito.

"Pakilabas na iyong permit ninyo at magsisimula na akong maglibot."

Nandilat ang mga mata ko at parang may naramdaman pa akong lumabas na tubig sa ibaba ko. Lumingon ako sa mga kaklase kong nagbukas ng kanilang bag, inilabas ang permit nila at inilapag sa kanilang tabi.

"Paano na ito?" mahinang bulong ko, sinamahan pa ng tch sa dulo habang nagkakamot-kamot.

Huminto sa tabi ko si Miss Verenza. Lumunok akong nagdahan-dahan ng lingon para tingnan siya sa mga mata.

"Yes, Miss Ditona? Is there anything you need?" tanong niya.

Nasa kalagitnaan pa lang ako ng pagpili kung sasabihin ko ba iyong totoo o magpapanggap ako.

Mahina ang boses kong nagsalita, "Ma'am puwede bang ituloy ko itong exam kahit wala po akong permit?"

"Wala kang permit pero nag-exam ka?"

Tumango ako. Dapat pala nagpaalam muna akong umihi dahil may chance na ako. Bakit ang tanga ko ngayong araw? Nakakainis!

"Bakit hindi mo agad sinabi?"

"Eh, kasi ma'am . . ." Nagkakamot sa siko kong sambit.

Nasapo niya ang noo at namaywang. "Hindi ba't malinaw ang instruction. No permit, no exam. Hindi ka ba nagbubukas ng messenger, Miss Ditona?"

Nag-angat siya ng tingin, inilibot sa buong klase 'tsaka siya nagbitiw ng tanong, "Sino pa ang walang permit dito aside from Miss Ditona?" Itinuro niya.

Tumusok ang tingin ng mga kaklase ko sa gilid at likod ko. Kinagat ko naman ang dila sabay iwas ng tingin sa mga kaklase kong nagtatama ang paningin namin.

Umupo sa harap ang katahimikan. Ako lang ang walang permit.

"Okay. Lahat naman kayo may permit aside from her," sabi niya.

Mas dumiin ang pagbaon ko ng kuko sa balat ng siko ko.

"Please guys, settle your payments ahead of time before you take your exam. Malinaw naman ang no permit, no exam policy. Third year na kayo, mga graduating students kaya dapat alam na alam n'yo na iyan," sermon niyang hinihilot ang noo.

A Change of HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon