“BILI na! Bili na!” Kumaway-kaway ako, tumatawag ng mga taong dumadaan.
May humihinto rin naman para magdalawang-isip kung papasok o hindi, pero maraming dumadaan na parang walang naririnig. Hindi ko rin naman sila masisi at lalong mali naman kung pipilitin ko silang bumili para lang makabenta ako.
May tumigil at nagkakalkal ng mga patong-patong damit sa pinagdikit na folding bed. Luma na ang mga nandoon at tig-bente pesos.
Mayroon pang pumunta sa harap ko, hinawi-hawi ang mga naka-hanger na damit sa clothing rack.
Ngumiti ako. “Kararating lang nito. Bagong-bago,” sabi ko para mawili siya sa pagpili nang mapansin kong umukit ang maliit niyang ngiti.
Lumipat ako sa kabilang clothing rack, sa gitna para maging komportable siya sa pagpili.“Pasok lang, mga suki!” Kumaway-kaway ako, lumingon ako sa kaliwa nang umalis ang babaeng nagkakalkal kanina.
May dumaang mga senior high school base malaking letrang nakatatak sa gray nilang kurbata. Itinuro ng isang babaeng naka-braids sa katabi niyang nakasuot ng salamin ang nakasabit na bestida.“Ang bibili magkakaroon ng jowa! Pasok lang, mga sis!” pasaring ko na humagikgik sila.
Pumasok sila at namili ng damit sa kaliwa, mga bestida.
“Ang mahal naman pero maganda siya. Wala bang mura, mga singkuwenta.”Narinig kong sabi noong babaeng nakasalamin. Ngumiti ako sa kanila paglingon nila at balak na sana nilang umalis.
“May tig-trenta rin dito. Murang-mura, may outfit ka na.” Itinuro ko iyong clothing rack sa harap nila.
Dumalo naman sila sa sinasabi ko. Kumikibot-kibot ang labi ng nakasalamin at bumubulong, tila nagugustuhan ang disenyo kahit na may kaunting dents ang iba noong isabit ko kanina.
Plano ko ring bumili mamaya kapag nakabenta ako kahit tatlong damit lang. May tatak pa ang mga iba. Sana malaki commission ko nang may maidagdag ako sa ipon ko.
“Mamili lang kayo, mga suki. Huwag mahihiya!”
Lumabas ako at nagtawag, “Oh, bili na, bili na!”Tatlo ang pumasok na may dala-dala pang pinamili, mukhang pauwi na at titingin ng magugustuhan.
“Miss, magkano rito?” tanong ng babaeng nasa singkuwenta y singko na sa tantiya ko. Puti na ang karamihan sa hibla ng buhok niya pero ang kintab ng balat niya sa mukha.
Lumapit ako. Hinawi ang damit, tiningnan ko ang natakpang karatula kung magkano. “Tatlo, one hundred twenty, ate.”Kinapa-kapa niya ang bawat dulo ng t-shirt na iniangat niya. “Isang daan na lang. Bale anim naman kukunin ko, two hundred na iyon.” Sinulyapan niya ang nakasabit sa braso ang ilan.
“Hindi, ate. Wala pa akong buena mano,” tanggi ko.
Puro barat na ang susunod kapag papayag ako. May paniniwala kasi akong kapag may tumawad, hindi na magiging maganda ang bentahan.
“Hindi rin akin ito, ate. Kung akin lang itong ukay-ukay, kahit ibigay ko na isang daan,” biro ko pa para naman kapani-paniwala, kahit ang totoo ayaw na ayaw ko talaga sa mga barat.Mura mo na nga ibenta, babaratin ka pa. Bakit pa sila mamalengke kung lahat babaratin? Ang hirap kaya magbenta. Matumal pa minsan.
Ngumiti lang ako nang ibalik niya ang mga napili. Wala namang dents o stains, maayos na maayos pa nga lahat.
“Ate, wala na bang medyo maliit na size rito?”
Tiningnan ko iyong hawak niya, isinukat sa sarili na hindi inaalis sa hanger. Bagay pa naman sa kaniya kaso mahaba iyong sleeves.
“Wala na, ading. Iyan lang ang available.”

BINABASA MO ANG
A Change of Heart
RomanceEl Belamour Series #4: A Change of Heart --- Lykadine is the family breadwinner and an ambitious person who aspires to be wealthy one day. She wanted to spoil her family so they could experience the luxury that her parents had not experienced when t...