NAHAGIP ng mga mata ko kung paano pumihit ang mga ulo nila sa pagsunod ng tingin sa kotseng minamaneho ni Aquilla nang titigan ko sila sa salamin. May tumuturo pa sa direksyon kung nasaan kami, may kumakaway—nagtatawag na lumapit sa kotseng ipinarada niya sa gilid ng barangay hall.
Pumikit ako at nagpakawala nang malakas na buntonghininga. Sumulyap ako sa labas bago ibalik sa kaniya at naabutan ko pa kung paano siya tumingin sa salaming nasa harap namin bago niya ilipat ang mga mata sa salaming nasa gilid.
“Hindi ka na bababa?” tanong ko, tinititigang mabuti ang pinto kung paano ko bubuksan.
Malakas ang kabog ng puso ko at baka mali ang mahawakan o baka masira ko pa. Wala pa man din akong pambayad sa mga ganitong klase ng kotse.
“I’m going to stay here for a while.”
Nandilat ako noong lumapit siya. Amoy na amoy ko ang pabango at gamit niyang gel o shampoo sa buhok dahil sa sobrang lapit niya. Halos dumikit na iyong balat ng kamay niya sa hita ko. Iniunat niya ang kamay at may ginalaw siya sa pinto kaya bumukas nang kaunti.
Umayos ako ng upo, ipinadaan ko ang palad sa suot kong kulay pink na t-shirt para ayusin. “Tara na. Sayang naman ang gasolina mo sa paghatid sa akin kung hindi ka bibisita sa bahay.”
Tumaas ang isang kilay niya. “You sure it’s okay? You don’t want me to come earlier.”
Nagkakamot ako sa buhok kong ngumiti. “Nagbago na isip ko. Tara na,” alok ko pagkababa.
Ginawaran niya ako nang malawak na ngisi. “If you insist.”
Pagbaba namin at nilagpasan ang barangay hall, nahuli ko pa ang paglingon niya sa eskinita sa tabi. Akala siguro niya ay doon ang bahay namin.
Ramdam ko ang titig nila sa likuran namin. Minamatyagan ang aming bawat hakbang. Kaya ayaw kong magdala ng kahit sino rito dahil hindi matahimik ang mga mata nila at kanilang bibig.
Mistulang nasa unahan namin ang katahimikan, sinusundan ko lang at nasa likuran ko naman siya. Dahan-dahan ang bawat apak ko sa makipot at yumayanig na yari sa pinagdikit-dikit na kawayan na nagsisilbing tulay. May lubak-lubak na iyong iba at kailangang maging maingat dahil kung hindi, sa itim na tubig kami babagsak. Maraming nakalutang na basura at lumot, saka may mga kiti-kiti.
Lumingon ako para siguraduhing sumusunod pa siya sa akin. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil pokus siya masyado sa pag-apak, parang tinitingnan niya rin akong maigi kung saan ako susunod na aapak.
Nakatawid kami nang maayos sa tulay at rumampa ulit kami sa kalahating sementado na daanan at gaya ng nangyari kanina, nasa sa amin ulit ang mata nila. Pagkalampas namin, maalikabok na daanan ang sumalubong.
“Malapit na tayo,” sabi ko sa kaniya nang huminto ako sandali para sabayan siya sa paglalakad.
Dapat sana umikot na lang kami kahit abutin pa nang isang oras ang biyahe para sa ganoon ay sa likod na lang kami dadaan. Ang problema lang, walang pagpa-parking-an. Makakatikim ulit kami ng titig. Kaya noong nandito ako, depende sa trip ko kung saan ko gusto dumaan. Sa shortcut o sa medyo long method.
Sabay-sabay na kahol ng aso ang bumungad sa amin pagtulak ko sa maliit na gate naming nadamitan nang kalawang.
“Aba, may dalang bisita.” Ngumisi siya. “Pa, nandito na paborito ninyo!”
Nahihiya akong ngumiti kay Aquilla at iminuwestra ang palad ko para tumuloy lang siya sa loob.
“Maritoni, si Aquilla nga pala,” pagpapakilala ko. Napansin ko sa gilid ng mga mata ang pagtango ni Aquilla.
“Tapos?” Nakataas ang kilay niyang nakatingin sa bisita namin nang nakahalukipkip.
Sinipat ko ang braso niya bilang pagsuway sa kaniyang umakto ito nang maayos.

BINABASA MO ANG
A Change of Heart
RomantizmEl Belamour Series #4: A Change of Heart --- Lykadine is the family breadwinner and an ambitious person who aspires to be wealthy one day. She wanted to spoil her family so they could experience the luxury that her parents had not experienced when t...