Chapter 36

47 1 0
                                        

MAY MALAWAK akong ngiti pagkababa ko ng phone at nilingon ang dumaan sa tabi ko. Kanina pa makinang ang mga mata sa binabasang policy saka mensahe ng nagre-recruit. Pinakita kung saan ang agency nila dito sa Pilipinas.

"May nakita akong investment. Pinakitaan ako ng proofs at mukhang legit naman," natutuwang sabi ko dahil mas malaking porsyento ang balik, at hindi raw required ang mag-imbita.

Huminto sa ere ang kamay ni Sabina na ibababa sana ang hawak niyang mga kutsara. Tiningnan niya ako namaywang. "Tama na, Dine. Madala ka na. Sabi mo 'mukhang legit' ibig sabihin, hindi pa siguradong legit."

"Oo nga, ate. Huwag mo na dagdagan naghahabol sa'yo," sulpot ni Maritoni sa kabilang ibayo ng mesa at inilapag ang umuusok pang pansit. "Doon ka lang sa isa magpahabol." Kumindat siya sabay ngisi dahilan para tumili si Sabina at makipag-apir pa sa kapatid ko.

"Ano na ba balita? May nagkabalikan?" tinig ni papa sa 'di kalayuan.

Segundong namulagat ang mata ni Sabina, nilingon pa si Maritoni bago tumungo sa akin ang tingin niya. Kumunot ang noo niyang nagtanong, "Hindi pa alam ng papa n'yo?"

Umiling ako. Idinampi ko ang hintuturo sa labi para sabihing huwag siyang maingay.

"Huwag mo na ituloy iyang invest, invest na iyan, Dine. Sinasabi ko na sa'yo," mahinang paalala niya.

Tumayo ako at kinuha ang braso ni papa para alalayan siya sa paglalakad habang nakaipit sa kabilang kili-kili niya ang baston niyang gawa sa pinutol na kawayan.

"Sino nagkabalikan?" kunot-noong tanong ni papa, sinulyapan ako sabay tingin sa dalawa na naglalapag ng pinggan sa mesa.

Ngumiti lang akong hinila ang isang upuan, bahagya pang sinipa iyong nakaharang na upuan sa harap ni papa.

Muli kong naramdaman ang pagtusok ng tingin ni papa sa akin. "Nagkabalikan na kayo ni Aquilla?" Itinuro niya ang pansit.

Tipid akong ngumiti, kinuha ko iyong inabot na pinggan ni Maritoni para lagyan. "Hindi pa po, Pa. Mukhang malabong mangyari na iyon."

"Tama na iyan. Tatlong shanghai lang," sabi ni papa. "Alalahanin mo kung paano mo siya nabighani, anak. Ganoon ulit gawin mo," dagdag niya para bumalik sa totoong pinag-uusapan namin.

"Aba, si Tito botong-boto, a!" kantiyaw ni Sabina pagkaupo niya sa tapat ni papa. Mapang-asar pa akong tinapunan ng tingin.

Tumango si Maritoni sa akin noong hawakan ko ang sandalan ng upuan sa tabi ni papa. Umikot siya pagkatapos niyang kumuha ng shanghai at umupo na lamang sa tabi ni Sabina.

Ngumiti naman si papa na nakatingin sa akin habang abala sa pagnguya. "Halatang mahal na mahal niya si Lykadine, at mahal din naman nito si Aquilla, kaya talagang boto ako sa kanila." Lumunok siya. "Baka nga bumalik na sa normal itong katawan ko kapag nagbalikan sila."

"Si papa talaga," natatawa kong sabi sa kalagitnaan ng pagkuha ko ng pansit. "may kondisyon agad. Hayaan na lang natin ang panahong ibalik iyong mayroon kami dati."

Mahirap naman pilitin. Nasa isip ko lagi iyong tanong na "paano kung ayaw na niya akong mahalin?"

Tunog ng pagbukas ng soft drink ang pumailanlang sa sandaling katahimikan na namayani. Nagsalin ng coke si Maritoni sa mga nakapilang baso sa kaniyang tabi.

"Royal sa akin, Maritoni," kalabit na sabi ni Sabina.

"Kung hindi man kayo ang magkatuluyan, pakisabi naman sa kaniya na kapag nakalabas sa kulungan, bumisita lang siya dito sa bahay," sabi ni papa.

Masyado na ngang napalapit si papa kay Aquilla. Noong malaman niyang bumibisita ako sa kaniya, panay ang pagkamusta niya. Pirmi ang pag-aalala at masasabi kong parang tinuring na niyang anak. Sa lahat din ng mga nabasa kong mensahe ni Maritoni sa akin, wala akong nabasa tungkol sa pagsa-sabong ni papa.

A Change of HeartMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon