Chapter 15

45 3 0
                                        

SUMAPIT ang Linggo at talagang ginawa ko ng schedule ang pag-uwi sa amin at imbes na matulog doon, uuwi rin ako agad. Depende sa timpla ng bungad nila sa akin dahil hindi pa ako nakaalis sa mansion kanina, humihingi na si papa ng isang libo.

Mabuti na lang at may limang libo akong naipon mula sa pagra-raket kada umaga kaya iaabot ko na lang sa kanilang lahat iyon.

Sana naman bigyan nila ako nang magandang araw. Miss ko na iyong dati. Noong mga araw na elementary pa lang ako, kahit toyo at kanin lang ulam namin sa tanghali, at malakas ang ulan saka pabugso-bugso ang hangin, tumatawa pa rin kaming nagkukuwentuhan ng kung ano-ano habang sarap na sarap sa pagkain. Kumpleto pa kaming apat niyon. Walang parinigan, basta masaya.

Sinumpa yata kami ng langit dahil ang saya pa namin noong mga panahong iyon kahit na may bagyo, kaya ito, naging bagyo ang buhay namin.

Pokus lang iyong katabi ko sa pagmamaneho. Isa pa siya. Ayaw ko sanang isama pero dahil sayang ang pamasahe, hindi na ako tumanggi sa alok niyang ihatid ako sa amin.

Gusto raw ulit niyang bumisita at kanina ko pa tinatanggihan, pero napagod ako kaya pumayag na lang ako.

Bakit kaya gustong-gusto niya sa aming bumisita? Ayaw ba niyang bisitahin mga kaibigan niya sa araw na ito?

Sumaglit ako ng tingin sa langit. Kulay abo at tila ilang segundo na lang ang kaya ng mga ulap para buhatin ang kanilang sama ng loob.

Pagkaparada niya ng kotse sa gilid ng barangay hall, gaya ng dati, mga umiikot na leeg ang sumalubong sa amin pagkababa at galaw nang galaw ang labi nila, pati mata nila ay hindi matahimik sa pagsunod.

Hindi pa kami nakahahakbang nang malalaking butil ng tubig galing sa langit ang pumatak. Ano ba naman iyan ulan! Bakit ngayong oras pa? Dapat pinaabot pa kami sa bahay.

Walang pakisama naman, oh! Ismid kong inilabas ang payong sabay lingon sa katabi na nakatingala sa langit, nakalahad ang palad niyang sinasahod iyong tubig.

“Iisa lang iyong payong,” imik ko. Hinawakan sa gilid para ayusin dahil naghiwa-hiwalay noong buksan ko.

Two hundred fifty lang ang payong, hindi ko pa mabilihan ang sarili ko. Kaya pa namang panangga ng araw at sa ulan.

“Sa’yo na. Okay na ako,” nakangiting sambit niya.

Tinaasan ko siya ng kilay. “Ano’ng okay lang? Hindi puwede. Mamaya magkasakit ka tapos malalaman nila Sir at Ma’am na kasama kita.”

Tumakas lang din siya sa kanila. Walang umabot sa pandinig ko kung ano na naman ang kasalanan niya. Basta paggising ko, sa mansion lang ito pipirmi buong araw.

“It’s fine. Kunin ko na lang iyong extra kong damit sa kotse,” sabi niya pagbawi ng kamay na nakalahad sa ere.

Binuksan niya ang likod ng sasakyan. May mga maleta siya roon at naglabas ng itim na t-shirt.

Nagbabalak ba siyang lumayas? Mukhang nagdadala talaga siya ng maleta sa kotse niya.

“I want to take a shower in the rain again because I haven’t done that in a while.”

Parang bata ang ekspresyon na nasa mukha niya dahil sa paglawak ng ngiti niya. Ganito ba siya kasaya sa pagligo lang sa ulan?

“Huwag na. Hindi maganda ang maligo sa ulan. Magpayong ka na, please.”

Mas lalo lang kaming titingnan ng mga taong hindi nagsasawa sa pagbulong-bulungan kahit na lumalakas na ang buhos ng ulan.

Tumakbo siya pagkasalo ko ng damit na inihagis niya sa akin. Literal na para siyang bata kaya wala akong nagawa kundi ang itago sa bag iyong damit niya at magsimulang magmartsa nang may kasamang pag-iling-iling.

A Change of HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon