Chapter 21

36 2 0
                                        

“What’s bothering you?”

Lumingon ako at nakakunot ang noo niyang palipat-lipat ng tingin sa akin.

Kulay dilaw ang suot niyang pang-itaas, hindi na itim. Kahit ano’ng kulay pala ang isuot niya ay bagay pa rin. Mabuti at sinusubukan niya na ang magsuot ng ibang mga kulay.

Iwinagayway niya ang kamay sa mukha ko.

Bumuntonghininga ako, sumama pa ang pagbagsak ng magkabila kong balikat. “Iyong perang kailangan para kay mama. Hindi ako lubayan ng isip ko,” sabi ko at hinilot ang noo habang nakapatong ang siko sa hand rails ng hagdan, nakaipit naman sa bandang kili-kili ko ang walis tambo.

“Kasi nga itong si papa, binawasan pala iyong pinadala ko.”

Hindi ko na nga alam ang paniniwalaan ko sa lahat ng sinasabi nila sa akin. Kung iyong text ba ni papa o ang mga chat ni Maritoni. Simula noong magsalita ako, nabawasan ang pagiging maldita sa akin ng kapatid ko.

Nami-miss ko nga lang iyong sumbatan namin kasi nitong mga nakaraang araw ay hindi na ito chat nang chat sa akin— wala na siyang pagpaparinig.
 
Inalis ko ang kamay sa noo at dumungaw sa baba. “Gusto kong pagsabihan pero hindi naman pinakinggan iyong huling sermon ko sa kanila.”
 
Matigas talaga ulo ni papa. Kung hahayaan ko lang naman siyang gawin ang bisyo niyang pagsasabong, baka ako ang maging kawawa. Wala pa nga akong magandang trabaho na may malaking sahod dito.

“You're going on Sunday, right?”
 
Tumango ako pagkatapos kong ituwid ang pagtayo. 

“Great. I’ll drive you there.”
 
Tiningnan ko siya. Kumaway-kaway akong nagsalita, “Hindi—”
 
Binaba niya ang kamay ko. Ngumiti siyang ginulo pa nang bahagya ang buhok ko. “It’s okay with me. I just want to be with you this weekend.”
 
Umiwas naman ako ng tingin, napangiti sa narinig. Ibinalik ko rin agad ang tingin sa kaniya noong maalala kong Huwebes ngayon, may pasok siya.

Pinanliitan ko ito ng mga mata. “Sigurado ka bang wala kang pasok? Mamaya, hindi ka pumapasok nang dahil sa akin.”
 
Ayaw na ayaw kong gawin niya iyon. Gusto kong unahin niya ang kaniyang pag-aaral kaysa sa akin. Mabuti nga at nakapag-aaral siya kaya dapat huwag niyang sayangin ang oportunidad na mayroon siya.

Mahina niya akong kinutusan. “Silly. I won’t do that.”
 
Binunot niya ang phone sa bulsa, tapos may kinalikot siya roon. Pinakita niya sa akin ang litratong naglalaman ng schedule niya.
 
Tinitigan ko namang maigi, isinaulo ang mga subject at kung anong mga oras ang klase ’tsaka bakante niya. Humaba ang labi kong napatango-tango noong i-swipe ko sa kaliwa pagkatapos kong i-zoom in.

“See, it’s my vacant and I want to spend all of my free time with you starting today.” Taas-baba ang kilay niya at ngumisi.

“Makisama ka pa rin sa mga kaibigan mo. Hindi kita pinagbabawalan,” paalala ko.

Ayaw kong ipagkait sa kaniya ang bagay na iyon dahil may dumadaan kasing mga post minsan sa social media account ko, na pinagbabawalan ng mga babae iyong boyfriend nilang sumama sa kanilang kaibigan.

Sino naman ako para tanggalin ang kalayaan niyang iyon, ’di ba? Isa pa, iba pa rin kapag may takbuhan kang kaibigan.

Ngumiti ako pagkaharap sa kaniya. Ipinatong ko ang dalawang kamay sa mga balikat niya. “Isa pa, sila naman ang una mong kasama at sila iyong nasa tabi mo bago pa ako dumating. Kaya huwag na huwag mo silang kalilimutan kahit mayroon na ako ngayon.”

Sa paraan ng titig niya ay tila inaaral niyang mabuti kung tugma ba ang salitang binitiwan ko sa ekspresyong nabubunyag sa aking mukha. 

Ngumiti siyang sinabayan ng pagtango. “Yes, Milo. Copy that.” Naglakbay ang kamay niya sa likod ng aking ulo, hinaplos ang buhok ko. “How much money do you need for your mom’s medicines?”
 
“Fifty thousand,” sambit ko. Mapait akong ngumiti pagtingala sa kaniya. “Grabe ‘no. Ang laking pera agad makakaltas sa bulsa. Mahirap pang hanapin ang ganoong pera sa mga katulad naming mahirap lang. Pagkatapos, hindi pa alam alagaan ni mama ang sarili niya.” Marahan akong nailing, “akala mo naman kung ang yaman-yaman namin.”

A Change of HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon