PANAY ang pagtango niya habang nakadekwatro siya ng upo sa harap ko. “Maganda iyong ginawa mo. Sana sinama mo ako para napanood ko rin.”
Matagal na rin siyang hindi bumisita sa probinsya at hindi nakita sila mama at papa.
Humagikgik siya, bakas ang pagkatuwa sa ikinuwento ko. “Ini-imagine ko pa man din iyong araw na iyon.” Pumitik siya sa hangin.
“Sira ka talaga. Ano, kumusta? Kinakaya mo pa naman ang accountancy?” tanong ko para kumustahin naman ang pag-aaral niya.
Ilang linggo rin kaming hindi nagkikita dahil lagi siyang busy nitong mga nakaraang araw sa pagiging estudyante at girlfriend.
“Gusto ko na mag-shift!”
Tumawa ako at nanlaki ang isang mata ko habang nanliit ang isa. “Ngayon mo pa talaga naisipang mag-shift ngayong isang taon na lang, gra-graduate ka na.”
“Eh, kasalanan mo.” Bumusangot siyang umirap pa. “Ikaw kaya sinusundan ko kasi sabi mo ’di ka magshi-shift pero iniwan mo ako,” patampo niyang turan. Muli niya akong inikutan ng mata. “Paano iyan, kapag nakaluwag-luwag ka na sa problema, itutuloy mo pa itong accountancy?”
“Para madali na lang kahit mahirap ipasa. Sayang naman iyong taon na nag-aral ako kung ibang kurso pa kukunin ko ulit.”
Napatango-tango siya. Ayaw na ayaw ko pa man ding nagsasayang ng taon. Parang basura lang lahat ng paghihirap ko ’tsaka sinayang ko lang iyong pera kahit na wala naman akong inilabas sa tatlong semester na tuition fee ko.
Tinampal niya ang hita, ibinaba ang isa at iyong sa kanan naman ang itinaas. “Oh siya, balik tayo sa ikinuwento mo kanina. Ano na iyon, gusto ka niya?”
Mabagal akong tumango, may guhit sa noo. “Parang ganoon pagkakaintindi ko, e.” Nagkibit-balikat ako.
“Hindi naman siya magsasabi ng ganoon kung hindi para sa’yo.”
Hindi nga nawala sa isip ko iyong nangyari kagabi. Imbes na sariwain pa sana namin iyong magandang view biglang naging patay ang lahat sa pagitan namin, kaya umuwi na lang kami nang walang nag-iimikan. Nabuhol dila ko noong mga oras na iyon, wala akong makapang salita.
“Paano kung pinag-praktisan niya lang ako?”
Hinampas niya ang braso ko dahilan para mapangiwi ako. Namula pa.
“Dine, nakabingwit ka ng guwapong mayaman!”
Ibinalik ko ang hampas sa braso niya. Namula rin iyong sa kaniya kaya noong umamba siya ulit ng hampas, tumakbo ako bilang pag-iwas.
“Sira, hindi naman iyong habol ko sa kaniya.”
“Eh, bakit mo siya nagustuhan? Hindi nga kayo nag-uusap kaya malabong nagustuhan mo siya dahil sa ugali niya o sa boses niya. Malamang mukha agad nagustuhan mo kaya ka na-love at first sight.”
Parang ganoon nga ang dahilan. Naakit niya ako sa guwapo niyang mukha, pero nacu-curious lang ako kung sino siya. Lumalim iyong curiosity ko at laging nasa isip. Tipong kada matutulog ako, siya agad ang inilalagay ko sa unahan ng isip para maging mahimbing ang pagtulog ko.
Hindi ko mapaliwanag nang maayos. Gusto ko siya kasi si Aquilla siya. Dapat ko pa bang ipaliwanag kung kailan at bakit ko siya nagustuhan?
“Pero ang guwapo niya. Kasingguwapo niya artista. May kamukha nga siya, e. Hindi ko lang matandaan pangalan.” Bumungisngis siyang halos magbalikúkot pa sa pag-upo. Parang nasa harap pa namin si Aquila dahil itinaas niya ang mga kamay at gigil na gigil siyang pumipisil-pisil sa hangin.
Nailing akong tinampal nang mahina ang noo niya. “Basta guwapo, gusto mo agad. Paalala ko lang na may boyfriend ka.”
Tumuwid siya ng upo. “Crush ko lang naman siya kasi na-love at first sight ako noong dumaan siya rito, pero siyempre, mahal na mahal ko iyong boyfriend ko ngayon.”
BINABASA MO ANG
A Change of Heart
RomanceEl Belamour Series #4: A Change of Heart --- Lykadine is the family breadwinner and an ambitious person who aspires to be wealthy one day. She wanted to spoil her family so they could experience the luxury that her parents had not experienced when t...
