“ITO tingnan n’yo ito, mga ma’am, sir. Hindi siya tulad ng ordinary sponge na kapag iniangat mo ng ganiyan.” Iniangat ko ang sponge na nabibili lang sa bangketa na tig-sampung piso o kinse. “Grabe ang pagtulo, ano po? Pero tingnan ninyo sa sponge na ito.” Umawang ang labi nila sa pagkamangha.
May mga lumalapit pa, nakukuryoso sa kumpulan na nasa harap ko. Hindi ko inaasahang dadagsahin agad nila ang demo ko kahit pangalawang beses ko lang ito ginawa. Mabuti nga at tinawagan ako ulit, akala ko kasi noong una ay ayaw na nila sa akin kasi hindi naging maganda ang benta ko, pero may nag-upload daw sa TikTok ng video ko. Nag-trending kaya pinapabalik ako.
“Hindi siya basta-basta tumutulo, hindi tulad ng ordinary sponge. Saka sa sponge na ito, hindi makalat at kapag piniga mo.” Piniga ko ang sponge na ginagamit kong pang-demo sa isang transparent na container para ipakita sa lahat ng nanonood. “Marami ang na-absorb na tubig.”
Sobrang lambot ng sponge na hawak ko kapag nasa tubig at para siyang tofu kung titingnan. Isang oras pa, matatapos na rin ang pagde-demo ko rito at susunod sa akin iyong isa pang mas magaling kaysa sa akin. Whole day sana pero hindi kaya ng oras ko, at sayang kasi mas malaki ang commission ko sana kapag marami akong nabenta. May four thousand five hundred agad ako sa half-day, iba pa ang commission ko sa mapagbebentahan ko.
Sana umayon sa akin ang panahon at maraming bumili para may pambayad ako ng exam at saka may maibigay ako kay papa. Hindi pa rin ako kinakausap nang maayos ni Maritoni. Nakailang chat ako sa kaniya noong last week pa, kaso puro seen ang natatanggap ko. Kung hindi naman seen, puro like na emoji lang kada may bilin ako sa kaniya. Wala pa rin akong ideya kung bakit siya ganoon sa akin. Hindi ba niya maintindihan na ginagawa ko ito para rin sa kanila?
Tumingin ako sa kanila bago nagsalita, “Kaya nandito ako ngayon sa harap ninyo para ipakita ang pagkakaiba at pakinabang ng sponge na ito, kung bakit mas magandang gamitin kaysa rito.” Itinaas ko ang container kung saan ko nilagay ang ordinary sponge.
Ipinatong ko sa ibabaw ng nagpatong-patong na sponge na stock sa harap. Mukhang hindi naman mabubuhos dahil hindi umuuga. Itinuro ko ang sponge, tumingin naman silang lahat doon.
“Halimbawa, basang sofa ito o basang kutson. Kung saan iyong parteng nabasa, ilagay mo lang iyong sponge,” sabi ko at ipinatong ang sagowonder sponge sa ibabaw ng ordinary sponge. “Tingnan ninyo kung paano sinipsip ng sponge iyong tubig,” tukoy kong dumuro sa tubig na unti-unting bumababa ang lebel.
Napansin ko ang mga nagbubulung-bulungan sa kaliwa. May nagtuturo pa sa sagowonder sponge at saka sa gamit kong container. Hindi rin nakaligtas sa pandinig ko na may ginagawa raw akong iba o may halong asin ang tubig kaya nagkakaroon ng madyik. Binalewala ko ang mga iyon dahil ginagawa ko lang naman ang trabaho ko rito nang marangal.
Kinuha ko ang sponge, itinabi sa gilid ang container at saka ako inilapag ang carpet sa ibabaw ng itim at makintab—parang non-stick frying pan siya na gamit ng mama ni Sabina sa bahay nila.
“Puwede n’yo rin siyang gamitin sa basang basahan, carpet, anything na basa. Halimbawa ito.” Binuhusan ko ng maraming tubig ang carpet. “Basang-basa hanggang ilalim at ibabaw. Tingnan ninyo para maniwala po kayo.” Iniangat ko ang dulo para ipakita ang tubig sa loob.
Dinagdagan ko pa ng tubig habang nagsasalita, “Hindi ba ang lagi ninyong ginagawa ay dina-dryer o ibinibalad sa araw hanggang sa matuyo iyong nabasa ninyong damit, pantalon o basahan. Ipapatong n’yo lang itong sponge.”
Tumango sila at pagkaangat ko, naging light ang kulay. “Sandali, ipapakita ko po sa inyo para mas kapani-paniwala.”
Muli kong binuhusan ng tubig iyong natuyong parte. Iniangat ko ulit para ipakitag may tubig sa ilalim.
“Parang kanina, ina-absorb niya iyong tubig sa ilalim. Kapag piniga ko ito ngayon.” Piniga ko sa container, bumuhos ang nasipsip na tubig kaya marami ang humanga nang magsipalakpakan ang ilan at may naririnig pa akong bibili sila. “Tingnan ninyo kung gaano karaming tubig ang nasipsip niya.” Tumingin ako sa kanilang mga mata kung paano nila titigan ang container na inangat ko sa ere.
Segundo kong inilibot ang kumpulan sa harap ko at gumawi ang tingin sa entrance. Magtatawag sana ako ng mga pumapasok na sumilip muna sila rito kahit isang minuto lang pero nanlaki ang mga mata ko sa naaninag. May mga kasama siyang babae at lalaki, magka-holding hands iyong dalawa habang nakasunod lang siya sa kanila at nagsasalita. Marunong din pala siyang makipag-usap, pero sa mansion hindi niya magawa.
“Sir Aquilla, hi!” Kumaway ako.
Sabay-sabay naman silang lumingon sa akin habang patuloy lang sila sa paglalakad. Parang may tinanong iyong lalaking kasama niya pero umiling lang siya. Napalingon ang ilang mga tao sa likuran nila, sinundan iyong kinakawayan ko hanggang sa nanliit sila sa paningin ko.
“Hi rin sa inyong lahat. Back to demo na tayo, short commercial lang iyon.” Mahina akong tumawa.
“Basa ito, ’di ba? Ganito lang gawin ninyo.” Marahan kong tinapik ang sponge at nagpatuloy, “Daanan n’yo lang na parang ganito at iyong parteng nag-la-light, ibig sabihin niyon, natutuyo niya iyong basang parte.”
Iminuwestra ko ang kamay sa babaeng nasa harap ko. “Hawakan n’yo, ma’am. Damhin ninyo kung basa pa nga ba ito bago ninyo hawakan iyong nasa kabila na hindi light ang color.”
Hinawakan niya, namilog ang mga labi at nanlaki pa nang bahagya ang mga matang lumingon sa likuran sabay hawak sa kabila na basa pa.
BINABASA MO ANG
A Change of Heart
RomanceEl Belamour Series #4: A Change of Heart --- Lykadine is the family breadwinner and an ambitious person who aspires to be wealthy one day. She wanted to spoil her family so they could experience the luxury that her parents had not experienced when t...
