“PAPASOK ka na ba ngayon, Dine. Nasaan ka na?” bungad agad ni Sabina pagdikit ko ng phone sa tainga.
Sandali akong nanahimik, iniisip kong papasok pa ba ako pero hindi ako makakaabot. Mamaya bawiin pa ni ma’am kapag male-late ako ng pasok. Marahan kong itinulak ang duyan.
“Hoy! Papasok ka ba?”
“Hindi pa ako makakapasok,” simple kong sagot pagkaupo sa armchair.
“Bakit? Absent ka na nga last week.” Nagpakawala siya ng hangin at nagsalita, “’Ka mo babawi ka. Nasaan na iyong sinasabi mo?”
Isinuklay ko ang mga daliri sa buhok. Pagtingin ko sa sahig at sa kamay ko, may naipit na ilang hibla.
“Puwede pa naman akong bumawi. Uunahin ko lang ito saglit para makaipon.”
Tumayo ako para kunin ang walis tambo. Katatapos ko lang kaninang magwalis pero may buhok na namang nagkalat sa sahig. Binawasan ko na nga ang haba ng buhok kong nasa baywang dati, ginawa kong hanggang kili-kili ang haba pero may hairfall pa rin. Conditioner ko na araw-araw iyong kulay green na cream silk.
“Ipon? Hindi ka naman yata nila ginugulo sa babayarin ng mama mo sa ospital, a.”
Iniipit ang walis tambo sa pagitan ng hita ko at itinulak nang marahan ulit ang duyan.
“Nag-text sa akin kani-kanina lang si Maritoni. Pinauuwi rin ako sa amin.”
Malinaw pa sa isip ko iyong text message niya. Hinahanap ako ni mama. Gustuhin ko mang bumisita, kulang na kulang ang oras ko. Apat na oras ang biyahe at traffic pa.
“Kumusta na ba kalagayan ni tita?” nag-aalala niyang tanong.
Wala rin ako gaanong balita sa totoong kalagayan ni mama. Si papa sana kasi mas magandang sa kaniya ko malaman ang kalagayan ni mama, pero hindi marunong gumamit ng keypad phone. Hindi na rin namin afford bumili pa ng isang smartphone kahit replica lang ng original brand o second hand.
Second hand lang iyong gamit ni Maritoni na namamatay-matay pa, samantalang hinuhulugan ko lang itong akin buwan-buwan. May apat na buwan pang natitira para maging akin na itong phone.
“Nagiging maayos naman daw, sabi ni Maritoni pero hindi ako naniniwala roon.” Ibinalik ko na sa lagayan ang walis nang matapos kong kupkupin ang buhok. “Iyong emoji niya kasing nagtataray sa dulo, alam kong kabaligtaran sa maayos,” sabi ko at mahinang nagpakawala nang mapaklang tawa.
“Hindi na dapat kita pinayagan diyan sa gusto mong rumaket, e!” Himutok niya sa kabilang linya. “Napapabayaan mo na pag-aaral mo,” dagdag niyang may bahid ng inis ang tono.
“Parang isang linggo lang naman akong hindi pumasok.”
Big deal at wala akong magagawa kahit gusto kong pumasok sa klase. Marami na akong na-missed out panigurado.
“Nako, Dine!” singhal niyang problemado pa sa akin dahil sa pagbuga niya nang marahas. “Kapag ikaw, nagsisi na hindi ka naging dean's list ngayon, alam mo na kung ano ang ginawa mong kapabayaan.”
Tumango-tango ako sa panenermon niya sa akin. Sa kabila niyon, napapangiti naman ako dahil nag-aalala siya para sa akin.
“Oo, alam ko. Pahiram na lang notes mo,” sabi ko.
Malaking pasasalamat ko dahil nakilala ko siya. Naging kaibigan ko si Sabina simula noong grade twelve ako, ABM ang strand naming dalawa at parehas kumuha ng accountancy.
“Kailan ka pala uuwi sa bahay? Nagtataka na rin sila mama.”
Kinagat ko ang labi. Nagui-guilty ako. Hindi kasi ako nakapagpaalam ng maayos sa kanila. Basta na lang akong umalis pagkatanggap sa akin bilang kasambahay. Nag-iwan naman ako ng sulat.
BINABASA MO ANG
A Change of Heart
RomanceEl Belamour Series #4: A Change of Heart --- Lykadine is the family breadwinner and an ambitious person who aspires to be wealthy one day. She wanted to spoil her family so they could experience the luxury that her parents had not experienced when t...
