Chapter 27

28 1 0
                                        

NAKATULALA lamang akong nakatitig sa kabaong habang walang humpay ang pagtulo ng luha sa mata ko. Sa katabi kong katahimikan, mas lalong bumalik sa alaala ko ang lahat.

Kahit saang sulok ako magpunta sa bahay, makulit akong sinusundan ng usok ng sigarilyo niya. Masakit sa dibdib, lalo na sa ilong.

Salubong ang kilay kong binagsak ang walis tambo. Malalaki ang hakbang kong hinablot ang kaha ng sigarilyo na nakalapag sa mesa.

Pinandilatan niya ako ng mata na agad ding sumama ang tingin sa akin dahil hindi siya nakakuha ng isang stick.

"Alam mo na ngang ang hirap na ng buhay natin, naninigarilyo ka pa!" bungad kong sigaw noong tawagin niya ako sa kuwarto nila papa.

Nakatitig lang siya sa akin, wala akong makitang lungkot.

Kada nagwawalis ako, may mga upos pa ng sigarilyo sa sahig at sa upuang nasira ang dalawang paa sa likod, malapit sa kanilang aparador.

Tuwing gabi, ubo siya nang ubo, pero nakakasakal ang singaw ng usok kahit pasikat pa lang ang araw.

Hindi pa siya nadala. Naospital na nga dahil sa paninigarilyo niya, pero hindi pa natakot sa babala ng doktor.

"Pagod na pagod na si papa kumayod, sana naman alagaan mo ang sarili mo. Wala tayong perang pampagamot kapag nagkasakit ka nang malala diyan!" bulyaw ko at alam kong napansin niya ang pag-aalala ko kahit hindi kami nagpapansinan.

Imbes na maging malumanay ang tono niya, tinawanan pa niya ako nang mapakla.

"Huwag mo nga akong diktahan sa ginagawa ko sa buhay." Itinulak niya ako sa balikat sabay dutdot ng daliri sa sentido ko. "Mama mo ako, anak ka lang." Umiling siyang tumalikod.

"Kailan ka ba nagpaka-mama sa akin?"

"Ganiyan ka ba pinalaki ng papa mo noong wala ako?!" Pulang-pula ang mukha niya.

"Hindi. Pinalaki niya ako ng may pagmamahal, e, ikaw?"

Tumigil siya sa pagkalabit sa lighter, nagliliyab ang titig niya katulad ng apoy na nakasindi.

"Sana hindi na lang kita naging mama!"

Isang malutong na sampal ang nagpaupo sa akin sa sahig. Mahapdi at kumikirot-kirot ang pisngi ko. Hindi ko maigalaw.

"Maricar!" sigaw ni papa.

Dinaluhan niya ako at pinatayo. Hinawakan niya ang pisngi ko sabay tingin kay mama sa paraang punong-puno ng pagtataka.

"Ano'ng nangyayari rito? Hindi ba ninyo alam na naririnig nang kapit-bahay ang pagtatalo ninyong dalawa?!"

Pinilit kong ibuka ang bibig ko at sa kabutihang palad, nagawa ko naman.

"E, kasi papa, pinagsasabihan ko lang naman si mama na itigil na niya ang paninigarilyo. Lubog na tayo sa utang dahil sa pagpapagamot niya noong na-ospital."

Kaliwa't kanan ang pinag-utangan ni papa. Lagi na ring may kumakatok sa gate namin, naniningil at nagsasabi ng araw na babalik, tapos may nananakot pa. Ibang-iba sa dati naming buhay. Dati, kaunti lang, ngayon ilang tao na ang naniningil kada araw.

Idinuro niya ako. "Pagsabihan mo iyang anak mo, Paul. Wala akong iniluwal na batang ganiyan kabastos sa magulang!"

Iniharang ni papa ang katawan sa gitna namin para pigilan ang paglapit ni mama.

Nakahablot siya ng buhok ko sa ginawa niyang pagkalabit. "Tandaan mo, kahit galit ka pa at ayaw mo sa akin, ako pa rin ang nagluwal sa'yo. Utang mo sa akin ang buhay mo!"

A Change of HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon