Chapter 10

54 3 1
                                        

SUNOD-SUNOD ang marahas na buga ng hangin. Hindi ko tuloy matukoy kung galing ba sa akin iyon o nanggagaling sa kaniya.

“Ibinalik namin si mama sa ospital,” maikling bungad niya sa kabilang linya nang maisip niyang magsalita pagkatapos nang sampung minutong pananahimik.

Natatakot akong magsalita dahil baka putulin niya agad, kaya pinanatili kong katahimikan ang sumagot sa amin. Minsan ko na lang siyang marinig nang tahimik, iyong walang halong pagpapatama sa akin.

Kahapon nag-text siyang baka isusugod si mama ulit sa ospital pagkatapos siyang ilabas noong mga nakaraang araw. Bilang pa rin sa daliri iyong naipon kong pera.

Kulang na kulang pa sa chemotherapy na kailangan ni mama at iyong isa pang kailangan daw isabay. Nag-iisip na ako ng magandang paraan. Kung mangungutang ako sa amo kong Billones, pero magkakaroon ako ng tali sa leeg dahil babayaran ko iyon sa pagtatrabaho ko, o ang maghanap ng ibang pagkakakitaan na mas malaki.

Hinilot ko ang kanang sentido habang nakapikit ang isang mata kong sumandal sa upuan. “Si papa, kumusta na? Ikaw, kumusta na? Pangako uuwi na talaga ako sa Linggo diyan.”

Mahina siyang tumawa nang may halong pang-uuyam. “Gawin mo para hindi ako magmukhang masamang anak sa kanila. Lagi kang banal sa paningin nila,” sarkastiko niyang sabi.

Bumilis ang hilot ko sa sentido papunta sa gitna ng noo ko. “Maritoni, hindi ako makikiusap na intindihin mo ako dahil alam kong hindi mo rin ako maiintindihan kahit ano pang paliwanag ang gawin ko.”

Walang magkakaintindihan sa amin kung patuloy niyang igigiit na siya dapat ang intindihin ko. Sa totoo lang, hindi ko na rin maintindihan ang sitwasyon ko.

Hindi ako sigurado kung tama ang desisyon kong talikuran muna pansamantala ang pag-aaral. Litong-lito ako sa pipiliin. Sa bawat segundong naiisip ko ito, mas kumikirot ang puso ko at sinasampal ako ng katotohanan na palpak ako sa buhay.

“Parehas lang tayo. Hindi mo rin ako maintindihan.”

Naiintindihan ko siya, hindi lang ako makauwi dahil wala akong mahanap na maayos na trabaho roon. Liblib at puro mga tsismosa ang mga naroon, hindi ka aasenso kung pagtitinda lang ng sari-sari store ang aatupagin ko roon dahil paniguradong mas marami pang utang kaysa sa cash. Paano ako makakahanap ng pampagamot kay mama at tutulong sa kanila?

“Subukan mong ipaintindi sa akin. Magsabi ka kung ano ang problema mo para alam ko. Ate mo ako,” panghihikayat ko.

Oras na para bawasan ang sama ng loob na naipon niya.

“Hindi ka naman nagmumukhang ate. Para ngang wala kang kapatid at magulang,” himutok niya. “Ako ang anak sa labas dito pero ako pa ang mas nagmumukhang anak sa kanila.”

Pumikit ako. “Sorry kung inuna ko iyong pag-aaral kasi akala ko doon tayo aasenso kapag nakapagtapos ako—”

Nagpakawala na lang ako ng hangin nang babaan niya ulit ako ng tawag. Kailan kaya ulit kami mag-uusap nang matino? Mali bang inuna ko ang pag-aaral ko? Ibinuhos ko ang buong intensyon para sa layuning tumulong sa kanila kapag nagkaroon ako ng magandang career. Mali ba talaga o tama naman ang ginawa ko? Ano ang mali ko? Hindi ko makitang mali ako ng ginawa.

Kailan kaya niya maiintindihan na hindi ako nag-aral para lang sa sarili ko dahil kasama sila sa iniisip-isip at pangarap ko? Mali ba talaga ang paraan ko at daang tinatahak ko? Hindi ba talaga ako yayaman sa pag-aaral? Kailan kami aasenso? Wala na ba talagang pag-asa para sa mahirap na gaya ko? 

Sa kabilang banda, napapaisip pa rin ako kahit gusto kong makapagtapos na kung naka-graduate ba ako, talaga bang magiging maganda ang buhay namin o nagsasayang lang ako ng pera? 

A Change of HeartMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon