MARAMI agad nagtanong sa bag na post ko. Hindi nakakaramdam ng pagod ang mga daliri kong pindot nang pindot sa keyboard at ayaw magpahuli ang kurba ng ngiti sa labi ko.
Pagkatapos kong reply-an lahat, sandali ko munang tinigilan ang pagtitipa noong abutin ko iyong isa sa mga pinamili kong pagkain.
Sumimsim agad ako sa milk tea sabay dampot ng donut na balot na balot ng tsokolate sa ibabaw.
Papaling-paling ang ulo ko, sumusunod sa saliw ng tugtuging nagmumula sa pinapakinggan kong musika sa spotify. Kumagat ako nang malaki at urong-sulong ang kinauupuan kong swivel chair, pinaikot ko pa sabay ngiti nang malawak.
Malinamnam sa tamis iyong donut. Dumampot pa ulit ako ng bavarian flavor.
Dati, hanggang tingin lang ako rito kahit kaya ko naman bilhin sa stall nila sa bayan, pero simula noong umalis ako ng El Belamour, natikman ko na ang mga sosyal na pagkain.
Nasubukan ko na ring kumain nang isang beses sa isang luxury restaurant dito nang mag-isa lang. Halos mapahiya pa nga ako n’on dahil hindi ko alam ang gagawin ko. Napakaraming kubyertos tapos may malaking mga plato at saka may maliliit pa.
Imbes na magmukha akong ignorante, pasimple kong minanmanan iyong mga kumakain at hindi ako nagpapahalatang ginagaya ko ang ginagawa nila.
Naputol ang kaligayahan ko noong may tumawag. Lumaki ang butas ng ilong kong ibinaba ang hawak na milk tea, umayos din ako nang upo at isinubo ang huling kagat ng donut.
“Sabina, bakit?” bungad ko. Dinilaan ang daliri pagkatapos at kumuha ng tisyu sa gilid.
“Gusto ka raw kausapin ng papa mo,” walang paligoy-ligoy niyang bungad dahilan para malamukos ko ang ipinampupunas.
“Nandiyan ka na naman sa amin?”
Ibinato ko sa basurahang nasa tabi ng pinto iyong tisyu, may kalayuan sa study tale ko na malapit sa kama ko lang. Hindi lumusot sa malaking butas ng basurahan.
“Silang dalawa ni Maritoni ang pumunta rito sa amin.”
Kumunot ang noo ko at tumaas ang kamay ko patungo sa buhok para kamutin nang marahas. “Bakit na naman ba? Kung hihingi sila ng pera, magpapadala ako sa Biyernes!”
Malalim siyang nagpakawala ng hangin na ikinabingi ko pa sa sobrang lakas at lapit. “Hindi naman sila humihingi ng pera. Gusto ka lang nilang makamusta, makausap at marinig ang boses mo.”
Pumikit ang isang mata ko nang kamutin ko ang talukap. “Marami pa akong ginagawa. Saka na.”
Wala na akong magagawa sa buong umaga kung kakausapin ko sila. Magbubukas pa ako ng puwesto ko at magre-reply sa mga gustong mag-invest, saka sa bibili ng bag.
“Lagi naman. Paano ba sila makakasingit sa oras mo? Kahit sampung minuto lang. Marami pang matitira sa twenty hours mo kung ibibigay mo iyon sa kanila,” pabalang niyang sabi. Halatado ang inis at irita sa boses niya.
Bakit kasi tatawag agad siya nang hindi man lang nagsasabi muna sa akin sa chat. Siya pa may ganang mainis, e, siya naman ang naunang tumawag.
Maya-maya pa ay langitngit ng pinto ang ingay na lumalabas sa kabilang linya dahil hindi ito nagsasalita. Pamilyar na boses ang naririnig at hagikgik ng bata ’tsaka maliit at medyo singkit na nabubulol pa.
“Oo, anak. Kakausapin natin si Tita Lyka mo,” tinig ni Maritoni sa kabilang linya.
“Tata?” tanong niya na halos hindi niya mabigkas nang maayos. “May tata mama?”
Malalim na pagtikhim hanggang sa naging natural na ubo ang pinakawalan ni papa. Iyon lang ang naging malinaw sa pandinig ko.
“Nasa ibang lugar tita mo, apo. Kapag nakita ka n’on, matutuwa iyon sa’yo.”
BINABASA MO ANG
A Change of Heart
RomanceEl Belamour Series #4: A Change of Heart --- Lykadine is the family breadwinner and an ambitious person who aspires to be wealthy one day. She wanted to spoil her family so they could experience the luxury that her parents had not experienced when t...
