Chapter 29

27 1 0
                                    

KAGAYA ko na ang pagong sa tulin ng pagmamartsa. Bawat hakbang may kasamang patak ng luha na hindi kailanman nagsasawa.

Impit akong humihikbi. Masaya ang kalangitan sa aliwalas ng panahon, pero mukha naman akong dumaan sa bagyo dahil sa hitsura ko.

Mahina kong hinahampas ang dibdib. Gusto kong pigilan ang sakit. Ayaw maalis sa isip ko ang mukha niya. Nasaktan ko siya nang sobra.

Sabi ko, pasasayahin ko siya dahil ang lungkot ng buhay niya kaso sinaktan ko lang din. Sana hindi ko na pala ginulo buhay niya. Pero kasi . . . kasi kailangan ko rin. Kung babalik ako sakali, kasal na kaya siya at may anak na sa babaeng hindi naman niya mahal?

Siguro matututunan din niyang mahalin. Tama nga bang hiniwalayan ko agad siya nang maaga o dapat pinaglaban ko muna? Paano naman ako yayaman? Pangarap ko ang yumaman. Pagod na ako sa ganitong buhay. Palaging mahirap, inaapakan ng mga mayaman at kaawa-awa.

Wala akong mahugot sa bulsa ko kada may nagkakasakit sa amin. Hindi na nila ako tatanggapin sa kanila. Paano na siya? Paano na ako? Magiging maganda na kaya ang buhay namin sa ginawa ko?

Hinatid nila ako pagkatapos naming dumaan sa unibersidad na papasukan ko. Kung kanina, halos wala akong maramdaman pero bigay na bigay ang emosyon at puso ko sa mga sandaling ito.

Yumakap si ate sa akin nang napakahigpit, halos ayaw na niyang kumalas pa. Ramdam kong mami-miss niya ako dahil wala na siyang makakausap pa. Mag-isa na lang siya ulit sa kuwarto namin sa basement.

Kahit naman siguro hindi ko tanggapin iyong alok ni Sir Senior, palalayasin pa rin ako sa mansion.

"Chat-chat na lang tayo," sabi ni ate, nakangiti. Hinaplos niya ang buhok ko sa likod noong tumayo siya nang matuwid at tingnan ako sa mga mata. "Mag-iingat ka, ha?"

Tumango ako, pinisil ang kamay niya. "Salamat, ate."

Masaya akong nakilala si ate kahit sa maikling panahon. Hindi man lang ako umabot nang isang taon dito. Malapit na sana e, kaso bigla akong tinanggalan ng kalayaan para makasama pa si Aquilla at makapag-trabaho.

"Kapag kuwan, nakalabas ako, bibisitahin kita," sabi niya bago kami lumabas sa kuwarto, dala ang isang bag ko.

"Tapos na rin siguro iyong request mong portrait ninyo ng boyfriend mo," sagot ko. Huminto ako sa pag-akyat at nilingon siya. "Masama ba ako?"

Mahina niyang tinapik ang balikat ko at isinama ako sa pagtuloy niya sa pag-akyat.

"Pinagpalit ko siya sa pera."

"Ikaw ang makakaalam niyan, pero sa tingin ko, wala namang masama. Sa oras na nangangailangan ka talaga, hindi mo pipiliin ang pag-ibig. Baka ganiyan din gawin ko kung nasa posisyon mo ako."

"Kapag mahal mo ang tao, ipaglalaban mo kahit walang-wala ka."

Nagsitaasan ang balahibo ko sa batok dahil sa may-ari ng boses.

Lumabas siya at kanina pa yata nag-aabang sa itaas dahil nakahalukipkip. "Ganoon ang pag-ibig. Mas mahal kaysa sa pera."

Ngumiti na lang ako nang pilit. Hindi ko alam kung ano ang isasagot. Pagkaakyat namin, inalis ni ate ang kamay na nasa balikat ko.

Tumikhim si manang at naglakad palayo.

"Manang Fe," tawag ko sa kaniya pagkalingon. "Salamat po at alagaan n'yo po ang sarili ninyo."

Kahit madalang kaming mag-usap ni manang, may mga pagkakataon ding nililigtas niya ako kapag nakaramdam na siyang magwawala si Big Boss at sa akin na naman ibubuntong.

A Change of HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon