HUWEBES, wala akong klase at tamang-tama, natanggap ako bilang cashier sa isang convenience store. Morning shift lang ang duty ko. Malapit din ito sa university at siguro naman walang makakakilala sa akin, pero malabo.
Ilang mga tao na rin ang lumabas at pumasok, nanatili sa loob para kumain at mayroon din sa labas, pero karamihan ay may hinihintay.
Abala akong nag-s-scan ng biniling mga tsokolate ng lalaki nang biglang may bumanggit sa pangalan ko.
“Lykadine?”
Namilog ang mga mata kong bumalik sa pagkakayuko. Ipinilig ko ang ulo pakaliwa, iyong hindi niya makikita pero kita ko sa gilid ng mga mata ko ang pagsunod niya ng tingin kung saan papunta direksyon ng ulo ko.
Namulagat ako sa paglapat ng kaniyang kamay sa balikat ko galing sa likuran.
“Lykadine, ikaw nga!” Pinaharap niya ako sa kaniya.
Peke ang ngiting ipininta at dahan-dahang inalis ang kamay.
“Hello, Patricia.” Tumalikod ako.Nagmartsa siyang may kasamang pagkatok sa puting tiles iyong sapatos. Tumayo sa tapat ng stall, kung saan puro mga biskwit at tsokolate ang naka-display doon.
Pinanood ko ang pagkrus ng kamay niya sa baba ng dibdib sabay patong ng siko doon, habang ang hintuturo niya ay abalang dinadaanan ang wrapper ng mga pagkaing display.
“Bakit hindi ka na pumapasok? Dean’s list ka pa naman—” Lumabi siya at tinakpan ang bibig. Dahan-dahan siyang sumulyap pagkadampot ng biskwit. “Wala ka na pala sa dean’s list. Sayang naman.” Umiling siya, sumimangot na kunwari ay nalungkot ito.
Umirap ako beses noong wala na sa akin ang tingin. “Bumili ka na ng sadya mo rito,” matabang kong sambit.
Sa dinami-dami ba naman ng puwedeng makita sa unang araw ng duty ko, bakit siya pa?Mahina siyang tumawa at binalingan ako. “Ito naman, nakikipagkuwentuhan pa ako sa’yo. Minsan na nga lang tayo magkita kahit magkapareho naman tayo ng kurso. Ikaw kaya iyong tinitingala ko kasi biruin mo, from elementary to high school, wala ka namang award na gaya ko,” sabi niyang nakaturo sa sarili gamit ang biskwit na napili. “At hindi ka pa valedictorian sa klase, pero naging dean’s list ka. Ang bobo mo kaya noon kaya nakakapagtaka lang.” Tumawa siya.
Pero ang dating sa pandinig ko ay pakitang-tao lang iyon. Ayaw ko nang makaranig pa ng sasabihin niya. Hindi pa ba siya aalis? Bibili lang naman siya pero kailangan pa niyang magbitiw ng mga salitang ganoon.
Matipid akong ngumiti sa lalaking kinuha ang supot sa akin pagkaabot ko. Bumalik sa blangko ang ekspresyon kong tumingin sa ginagawa ni Patricia.
Simula noong bata pa kami, hindi na talaga kami magkasundo. Mas maganda pa nga noong bata pa siya dahil hanggang pagtirik lang ng mata ang ginagawa niya sa akin kapag napapadaan kami sa bahay nila, tapos nasa labas lang siyang nagyayabang ng bagong laruan niya sa mga batang nagbubulag-bulagan sa sama ng ugali niya.
Naging iba ang pakikitungo niya sa akin paglipas ng panahon, napakarami nang sinasabi. Kapareho niya ng ugali ang mama niya—sobrang hilig manira ng iba.
Ipinilig niya ang ulo, napuno na ng biskwit at tsokolate ang kamay. “Nakakabilib lang sa katulad mo. Consistent honor naman ako at valedictorian nang dalawang beses, elementary at senior high school. Napapatanong tuloy ako kung bakit nasa dean’s list ka. Hindi ba parang magic pag-angat mo sa academic, ‘di ba?”
Ngumisi akong ibinaba ang kamay, humigpit ang kapit ko sa berdeng apron na nakatali. “Kumokopya ka lang naman kasi simula noon pa,” mahinang bulong ko.
“May sinasabi ka?”
Umiling ako, pilit ngumiti na halos ramdam ko pang pati mata ko ay nakisama dahil wala ako gaanong maaninag. “Wala. Ang sabi ko, bumili ka na ng sadya mo kasi magsasara na kami.”
Pagkadilat ko nang maayos, naaninag ko ang pag-awang ng labi at pagdami ng guhit sa kaniyang noo.

BINABASA MO ANG
A Change of Heart
RomanceEl Belamour Series #4: A Change of Heart --- Lykadine is the family breadwinner and an ambitious person who aspires to be wealthy one day. She wanted to spoil her family so they could experience the luxury that her parents had not experienced when t...