"LINTEK! Ang hirap namang aralin ito!" Isinandal ko ang ulo sa librong nakabuklat sa ibabaw ng mesa. Napasipa pa ako at mahinang hinahampas ang mesa habang ang isang kamay ay nasa likod ng ulo ko, hinihila ang hibla ng buhok.
Kagabi ko pa ito inaaral pero hanggang ngayon ay wala pa rin talaga akong maintindihan. Minsan napapatanong ako kung deserve ko ba talaga itong mga ginagawa kong sakripisyo sa oras ko o hindi. Malakas akong bumuga ng hangin pagkaangat ko ng ulo at sabay-sabay pang napalingon sa akin ang mga estudyanteng nakaupo sa kabilang mesa.
Tinatapik-tapik ko ang sariling pisngi. "Hindi ka puwedeng mawala sa dean lister at kailangan may scholarship ka pa."
Tiningnan ko ang binabasa kong libro sabay lipat ng mata sa notes ko. Nakuha ko na ang tamang tiyempo sa pagbabasa at naiintindihan ko na nang biglang may humarang na kamay sa libro.
"Tama na iyan. Matalino ka na!"
Ngumiti ako at sumagot, "Sakto lang."
"Ano iyan? Matagal pa exam at sa Friday pa ang quiz natin." Umupo siya sa tabi ko, sumilip sa binabasa ko na halos halikan niya ang libro sa sobrang paglapit ng mukha niya.
Hinila ko palapit sa akin iyong libro. "Mas maganda ang prepared para may maisagot talaga sa exam."
Lumiit ang isang mata niya habang dilat na dilat naman ang kaliwang mata at medyo umangat ang labi niya. "Kahit ano namang prepare mo, Dine, wala ring lalabas diyan sa mga nire-review mo. Sinasabi ko na sa'yo," iiling-iling niyang sabi at nakuha ang libro sa akin, na agad naman niyang isinara at pinagpatungan niya ng magkabilang siko.
"Dean's lister ako, Sabina. Kailangan ko talagang maipasa ito para hindi ako matanggal sa scholarship."
Kapag nawalan ako ng scholarship, hindi ko na alam kung paano ipagpapatuloy ang pag-aaral ko sa kolehiyo.
Umismid siya. Mahinang itinulak pabalik sa akin iyong libro ko at bahagyang pumihit paharap sa akin. "Sabi ko nga. Hindi ko na-feel kasi maagang binawi sa akin ang scholarship. Pinatikim lang sa akin nang isang beses." Sumimangot iyang ang mga mata ay nasa libro.
Nailing naman akong binuklat sa pahinang kanina ko pa binabasa. "Kasalanan mo rin naman kasi. Hindi ka nakinig sa akin noong sinabi kong mag-aral ka."
Kung nakinig sana siya sa akin, e 'di sana parehas kaming nasa dean's list at may one hundred percent scholarship pa siya at hindi pagbubunganga ng magulang niya ang lagi niyang natatanggap sa pag-uwi.
"Alam mo. Ang mga hindi masyadong nag-aaral sila iyong mabilis umasenso."
Sinulyapan ko naman siya. "Imposible. Nasa tao ang gawa at desisyon para umasenso." Bumaling ang mata ko sa huling na-highlight-an ko.
Tumawa siya nang mahina. "Oh siya, ayan ka na naman sa asenso. Nabuburyo na ako riyan."
"Huwag mo na akong istorbohin. Kailangan kong aralin ito para umasenso kami ng pamilya ko."
Umikot ang mga mata niya at bumulong-bulong-ginagaya ako nang walang lumalabas na boses. Huminto siya at biglang sumeryoso ang mukha. "Kahit para sa pagiging asensado pa iyan kung matutulad ka rin balang araw sa mga mayayamang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan," pasaring niya.
"Hindi rin naman ako siguro magiging ganoon. Alam ko ang hirap," mariin kong katuwiran.
Umukit siya ng hindi kapani-paniwalang ekspresyon. Para sa kaniya, isang kalokohan lang sinabi ko. Magsasalita pa sana ako para dagdagan at makontento siya pero inunahan niya ako.
"Sa una lang iyan sinasabi. Saka mo na iyan sabihin at ipakita sa akin kung mayaman ka na talaga."
"Malapit na. Hintayin mo."

BINABASA MO ANG
A Change of Heart
RomanceEl Belamour Series #4: A Change of Heart --- Lykadine is the family breadwinner and an ambitious person who aspires to be wealthy one day. She wanted to spoil her family so they could experience the luxury that her parents had not experienced when t...