Chapter 17

44 2 0
                                        

PARANG kahapon lang iyong date namin kahit isang linggo na ang nakaraan. Sulit na sulit ang first date ko. Kung gagamit ako ng isang salita para ilarawan ang buong naramdaman ko noong araw na iyon ay ang salitang "masaya".

Pakiramdam ko, may tapal ng kamatis ang magkabilang pisngi.

"Na-love at first sight, ate. Saka marami rin namang nagkagusto sa kaniya," sagot ko sa tanong ni ate kung paano ko siya nagustuhan.

Si Ate Ana lang ang nakapansin na may namamagitan na sa amin dahil tuwing hapunan ay nagpapalitan kami ng titig kahit nasa hapag siya, saka iba raw ang pinapakita niyang ekspresyon.

Kung napansin ni Ate Ana, sigurado akong napansin din nila, kaso wala lang silang pakialam o baka hinuhuli lang kami.

"May nagpa-comission pa nga sa akin na i-drowing siya noon kasi gusto raw iregalo noong babae iyon kay Aquilla bilang birthday gift," pagbibida ko at pinakita sa kaniya ang picture sa gallery.

Umawang ang labi niya, mulagat pa ang mga mata niyang sinulyapan ako sabay zoom in sa picture. "Ang ganda. Realistic pagkakagawa mo, a. Ang galing!" Tinitigan niya ang picture. "Nagdro-drowing ka pala. E, bakit hindi mo kinuha iyong kursong konektado sa drawing?"

"Si papa ang nag-enroll sa akin kaya hindi na ako nag-shift. Mabilis ka rin daw yumaman kapag naging accountant ka, kaya ayon, hindi na ako nag-shift kahit nahihirapan din ako."

Hindi ko nga alam kung saang lupalop niya nasagap ang balitang iyon at mukhang hindi pa totoo. Kaya pala excited siya noong araw na iyon para samahan ako. Sinabing mage-enroll, pero enrolled na pala ako. Sinamahan lang niya akong kumuha ng libro.

Ang sabi pa ay maikli ang pila at maganda ang sinasabi sa kursong ito, pero napakadali namang bumagsak. Mahirap ipasa kaya kailangan kong triplehin ang sipag ko.

"Grabe naman ang papa mo. Dapat ikaw pumili ng kurso mo. Kapag nagkapera ako, pa-drowing nga ako saka noong boyfriend ko," nakangiting sambit ni ate. Pasimpleng kumagat ng labi. "Teka, tumatanggap ka pa ba? Baka hindi ka na nagdra-drawing."

"Tumatanggap pa naman ako pero madalang na lang. Marami kasing oras ang kailangan saka mahal din mga gamit. Naanod na kasi ng baha iyong art materials ko noon."

"Sige, kapag natanggap ko suweldo ko, sabihin mo sa akin kung ano mga kailangan para mabili ko."

Kumurba ang ngiti ko. "Ilista ko iyong mga kailangan. Iwan ko na lang sa mesa natin mamaya."

"Ilagay mo na lang sa notebook ko. Iipit mo para hindi mahulog. Tungkol doon sa drawing mo, naibigay niya kay Sir Junior?" Isinandal niya ang katawan sa likod ng sofa.

Mapait ang naging ngiti ko. "Hindi niya naibigay iyong portrait kasi umalis na si Aquilla niyon, nag-transfer na."

Nanghihinayang ang nakapaskil sa mukha ni ate. "Nasa sa'yo pa iyong drawing mo?"

"Itinago ko sa bahay. Hindi na niya kinuha, sayang lang pagod ko sa pag-drawing," natatawa kong sambit sa dulo.

Pero kahit hindi kinuha noong nagpagawa, atlis naiguhit ko iyong taong gusto ko.

"Atin atin na lang, ate, ah. Huwag sana makaabot kay ma'am o kay manang. Iba kasi tingin ni ma'am sa akin kapag nakikita niya kaming dalawa."

Minamanmanan nila kada galaw ko. Akala ko pa naman ay magkasundo kami ni manang, pero mas mahalaga yata sa kaniya iyong posisyon niya rito sa mansion.

"Makakaasa ka. Hayaan mo lang iyon si big boss. Malisosya lang talaga."

Tumawa ako sa pag-irap ni ate. Pinagpag ko ang mga unan at saka pinadaan naman ni ate ang vacuum na hawak-hawak para pakainin ng alikabok.

A Change of HeartMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon