MGA SAMPUNG beses na ako bumubuga nang magkakasunod na hangin dahil parang may nakakulong sa dibdib ko mula sa tindi ng kabang lumulukob.
Magaan kong tinatapik-tapik ang dibdib at pinabilog ko pa ang labi. Nakatitig ako sa screen ng laptop, matagal kumurap dahil tinitingnan ko ang bawat pangalang madadaanan.
"Sana pasado, Lord. Sana pasado," paulit-ulit kong bulong. Bumagal ang pag-scroll ko noong mapunta ako sa letrang D.
Pumikit ang isang mata ko habang dilat naman ang isa. "Sana pasa—" Napatigil ako, tinakpan ang bibig at umurong ang upuan ko sa biglaang pagtayo. Segundo akong pumikit nang nakatingala sabay tanggal ng takip sa bibig at dumilat.
"Whoa, Lord!" sigaw ko, dalawang kamao ang sumuntok sa hangin. "Thank you!" Pinagdikit ko ang kamay.
Muli akong sumulyap sa screen ng laptop. Kinumpirma ko nang maigi ang pangalang nakapaskil, bawat letra ay isinulat ko pa mismo sa papel na nakaipit sa gilid para masigurado rin ang spelling.
Kumurap-kurap ako nang tama nga ang spell. "CPA na ako!" sigaw ko, niyakap ang papel at hinalik-halikan. "Yes, CPA na ako!" Dalawang kamao ulit ang sumuntok sa hangin dahilan para lumipad ang papel pagkabitiw ko.
Kinalma ko ang sarili dahil hindi pa gaanong naa-absorb ng utak ko ang nakita. Pumunta ako sa facebook account ko gamit ang phone at magpo-post sana ako nang mahabang status gaya ng nakikita ko sa mga bagong graduate na nakapasa na ng board exam.
Sabi ko, ganoon ang gagawin ko kapag pumasa na ako. Matagal din akong nagtimpi na hindi mag-long post pagkatapos ng graduation dahil mas magandang mag-post kapag ganap na talaga akong CPA.
Lykadine Ditona, CPA
Ang ganda sa pangalan. Bagay na bagay. Lahat ng paghihirap ko, sakit ng ulo at iyak, natapos na rin.
Nakaposisyon na ang mga daliri ko sa keyboard pero sunod-sunod ang paglitaw ng mga chat head at notifications ko.
Aksidente kong napindot ang chat head dahil nag-lag kanina.
Namulagat ako sa malutong na bungad.
"P*t*ng!n*! Binenta ko na lahat ng gamit ko sa bahay pati laptop para lang makapag-invest at mai-scam mo lang ako?!"
At nagsunod-sunod ang mga message. May lumilitaw pa, saka may pumapailalim kaya naghalo-halo sa mata ko at tanging iyong mga bagong litaw lang ang binabasa ko.
"Sabi mo magkakapera kami dito bakit nawalan naman yata kami ng pera, gurl? Inuna ko pa 'to kaysa sa magpakulot ng buhok at schedule ko pa man din ng derma ngayon!"
"Scam!"
"Pa-invite, invite ka pa. Scam ka!"
"Neng, pakibalik capital ko. Kailangan na kailangan ko iyon para sa tuition ng anak ko."
"'Te, kahit kalahati lang ibalik mo sa capital na na-top up ko. Hindi alam ni mama na ginamit ko muna imbes na pambayad sa exam ko."
Nagusot nang matindi ang noo sa sobrang pagtataka. "Ano'ng nangyayari?" chat ko sa kanila.
Bumisita ako sa telegram para maki-update kung ano talaga ang mayroon. Nakasara ang group chat. Maraming nagmumura at reklamo. Isang libo mahigit ang unread message.
Binasa ko ang ilan sa mga iyon at parehong-pareho sa message ng mga na-invite ko. Galit sila.
Maya-maya may lumitaw na bagong message, mas naging sunod-sunod ang pagtunog ng phone ko at nagla-lag na. Nakikita ko pa sa notification bar ko sa itaas ang salitang "mentioned you".
"Ibalik mo pera namin!"
"Huwag mo kaming taguan gaya ng ginawa ng bossing mo!"
"Ide-demanda kita! Kayo ng bossing mo! Mga walanghiya kayo!"

BINABASA MO ANG
A Change of Heart
RomanceEl Belamour Series #4: A Change of Heart --- Lykadine is the family breadwinner and an ambitious person who aspires to be wealthy one day. She wanted to spoil her family so they could experience the luxury that her parents had not experienced when t...