Chapter 33

45 1 0
                                    

PIKIT ang mga matang hinilot ko ang sentido habang ang isang kamay ay nasa siko ko, hinihilot din. Nakalapag lang ang phone ko sa kandungan, hindi alintana ang bahagyang pag-alog dahil sa bilis at tila may bato-bato ang daang tinatahak ng bus.

Sumasampal sa akin ang samu’t saring amoy na dala ng hangin na nagmumula sa bintana, may usok galing sa tambutso pati ang nagsusunog ng basura na tila nadaanan namin. Nakabibinging harurot ng motor ang sumingit.

Dumilat lang ako sa pagtunog ng phone ko. Buntonghininga kong iniangat para basahin kung ano na naman ang sinabi nila.

“Nagtago na Lyka n’yo. Hindi na babalik capital natin!” chat nila sa group chat na binuo ko para bigyan sila ng update na uuwi ako.

Diretsong dalawang araw na akong puyat dahil sa kare-reply at inaabangan kong buksan nila ang group chat sa telegram para kausapin si Ma’am Mich, iyong bossing namin.

Ang nakawiwindang pa, hindi pala nila tunay na pangalan iyong gamit, lalo na ang mukha nila. Kinuha lang sa instagram. Umaksyon na iyong mga nanakawan ng picture at mabuti may nakapansin dahil kawawa naman sila kung makukulong sila kapag nag-demanda ang mga kasama ko.

“Ibabalik ko po kalahati sa capital ninyo. Kalahati lang dahil kayo naman ang may sariling desisyon kung bakit kayo nag-invest. Oo, namilit ako sa iba pero wala akong pinilit na mag-invest nang malaki. Hindi po ako ang may full responsibility dahil pare-pareho lang tayong na-scam. Gaya n’yo, biktima rin ako.” Pinindot ko ang send button sa gilid.

Maya-maya pa ay bumagal ang takbo ng bus at lumiko. Pagsilip ko sa labas, patag na ang daan at palapit nang palapit ang sinasakyan ko sa kauri niyang mga bus at ilan sa mga naka-park ay may nagsisibabaan ng pasahero na maraming dalang gamit. Ang iba, pasakay pa lang.

Paghinto ng bus, tumayo na ako at isinabit ang dalawang back pack, isa sa likod, isa sa harap tapos bumaba ako para kunin sa labas iyong iyong iba ko pang dala.

Lumingon-lingon ako, hinanap agad ng mata ko si Sabina sa mga nakaupo sa bench. Mainit ang hampas ng hangin at masakit sa ilong ang itim na usok.

Isa-isa kong dinaanan ng tingin ang mga nakaupo, pati na rin iyong mga nakatayo.

“Wala akong maiaabot sa kanila,” bulong ko bigla. “Tatanggapin kaya nila ako?” problemado kong tanong.

Wala man lang akong magandang dala sa kanila. Sabi ko sa sarili na kapag uuwi ako, marami akong dalang pasalubong na parang galing ako sa ibang bansa kahit nasa labas lang naman ako ng El Belamour.

Nakahihiya lang na mga gamit ko lang ang dala ko at isang sakong bigas ’tsaka iyong stock kong de lata at noodles sa kahon. May binili akong barbie doll para sa pamangkin ko.

“Dine, dito!”

Sinundan ko kung saan galing ang boses niya. Pumihit ako sa kaliwa ko, nandoon siyang naglakakad palapit sa akin na may suot na ngiti.

Humigpit ang kapit ko sa strap ng back pack. Paano niya nagawang ngumiti pa at sabihing susunduin niya ako kahit hindi maganda iyong usapan namin noong pumunta siya sa akin dalawang araw ang nakalipas?

“May tricycle na akong tinawag doon. Hintayin na lang natin dito, may ibinababa kasi siyang gamit,” salubong niya. “Masaya akong nakauwi ka na. Sa wakas, El Belamourian ka na ulit!” natatawang sabi.

“Hindi ba nakakahiya na saka lang ako uuwi kapag walang-wala na ako?”

“Mayroon o walang-wala, walang nakakahiya sa pag-uwi mo sa pamilya.” Ngumiti siya.

Lumapit iyong lalaking inarkila niya. Itinuro ni Sabina iyong kahon at bigas na siyang binuhat naman nito.

“Sinisingil din kasi ako ng mga naimbita ko sa capital nila,” sabi ko habang sumusunod kami sa lalaki.

A Change of HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon