PINAG-IISIPAN ko kung sasagutin ko pa ba ang tawag niya o sabihan kong mamaya na lang. Wala akong raket at sinabi kong bakante ko ngayon kay ma’am. Balak ko kasing timplahin nang maaga ang mood niya at makapagpaalam na mags-stay ako sa amin kahit dalawang araw lang.
Namatay ang phone at ambang tatalikod na ako, babalik na sana sa ginagawa ko nang muling mag-vibrate.
“Anak, si papa mo ito.”
Awtomatikong napangiti ako, napasandal sa hamba ng pinto. “Pa, kumusta na? Uuwi pala ako diyan bukas,” masayang sabi ko. “May ten thousand na akong naipon. Ako na lang makikiusap bukas sa mga nautangan natin na baka bigyan pa tayo ng palugit.”
“Pera mo iyan anak kaya sa’yo iyan. Huwag mo kaming alalahanin ng mama mo rito. Ayos lang naman ako, babalik na rin ako sa pasada maya-maya.”
Tumaas ang kilay ko sabay kamot pa roon. Nginitian ko si Ate Ana na dumaan. “Tatlo raw stitch ninyo sa tagiliran at dalawa sa mukha, sabi ni Maritoni. Sigurado bang kaya n’yo na bumalik sa pagpapasada?” tanong ko kay papa, naglakad palabas ng kusina.
Sinabi lang ni Maritoni sa text na nakautang sila kaya napa-ospital si papa. Hindi baleng nadagdagan ang utang dahil ang mahalaga, ligtas si papa at nagiging maayos na ang kalagayan niya.
Kakanta na lang ako o mag-o-orasyon mamaya kung paano umulan ng pera para may pambayad na kami.
“Eh, kailangan na ang kumayod, anak. Iyong kapatid mo, laging nagdadabog iyan dito. Pagsabihan mo nga minsan. Baka sa’yo makinig.”
Halatado sa boses niyang na-s-stress sa pinapakita ni Maritoni.
Kung hindi nila mapagsabihan, paano pa kaya ako? Hindi nga niya ako pinakikinggan at ayaw akong kausapin nang maayos.
Dahil ayaw ko naman siyang isumbong kung paano niya ako tratuhin, inilihis ko sa iba ang usapan. “Kaya nga uuwi ako bukas diyan para bisitahin kayo. Mas mabuting magpahinga muna kayo. Para sa inyo itong naipon ko rito.”
“Nakakahiya sa’yo, anak. Para sa pag-aaral mo iyan. Wala ka bang paggagagastusan diyan?”
“Wala naman, Pa. Talagang inipon ko ito para tumulong sa gastusin at lalo na sa pagpapagamot ni mama.”
Nabawasan na naman daw iyong ipon nila doon para sa chemotherapy ni mama. Bumili sila ng gamot saka iyong gastusin doon sa bahay. Pakiramdam ko, okay na rin siguro iyong naipon ko. Dagdagan ko na lang kapag nakahanap ako ng magandang raket.
Mahina akong bumuga ng hangin. Mahirap talaga maging mahirap. Laging problema ang pera.
“Hindi mo naman pinapabayaan ang pag-aaral mo niyan?”
Hindi ko pa nasasabi sa kanila ang totoo dahil ayaw kong makita ang reaksyon nila. Lalo na si papa. Tandang-tanda ko pa kung paano niya ako ibinida sa lahat ng mga kasama niyang jeepney driver na may kolehiyo na siya, tapos huminto pala muna ako pansamantala.
“Lyka, anak, nandiyan ka pa ba?” tanong ni papa. “Maritoni, tingnan mo nga. Nawala na yata ang ate mo.”
Kinagat ko ang labi, hinaplos ang likod ng leeg. “Nandito pa ako, Pa.”
“Nandiyan pa pala, e. Nanahimik lang anak ninyo,” sumbat ni Maritoni sa kabilang linya at hangin ang bumingi sa akin kung nasaan sila.
“Kumusta ang pag-aaral mo? Baka napapabayaan mo na,” sabi ni papa sa mahinang boses pero nakaabot pa nang malinaw sa akin noong lumakas sa bandang dulo.
“Hindi ko naman napapabayaan, pa. Nag-aaral nga akong mabuti.”
“Oo, anak. Ikaw ang pag-asa namin para hindi ako mapahiya sa mga kumpare ko. Ako lang iyong may anak na nasa kolehiyo na. Huwag ka masyadong mag-aalala sa nangyayari rito sa bahay. Ayos na ayos lang kami ng mama mo,” sabi ni papa, “Maganda nga kung bumisita ka bukas para makita mo ang mama mo. Miss ka na niya at para magkausap din kayo.”

BINABASA MO ANG
A Change of Heart
Roman d'amourEl Belamour Series #4: A Change of Heart --- Lykadine is the family breadwinner and an ambitious person who aspires to be wealthy one day. She wanted to spoil her family so they could experience the luxury that her parents had not experienced when t...