Chapter 26

32 1 0
                                    

TULOY-TULOY ang pagbagsak ng luha ko hanggang sa naging barado ang ilong. Nanlambot ang tuhod ko at mabuti na lang ay nakakapit ako sa railings.

"G-gusto ko na umuwi," humihikbi kong bulong pagkatapos putulin ni Maritoni ang tawag.

Agaran akong nilapitan ni Aquilla, napansin ko kung paano naglaho ang maganda niyang ngiti kahit na nanlalabo ang paningin ko.

"Ihatid mo ako . . ." nanghihina kong pakiusap, kumapit pa ako sa magkabila niyang braso. Nakatungo ako sa kaniya. "Please . . . uuwi na ako." Niyugyog ko siya nang niyugyog.

Palahaw akong umiyak, halos maglupasay na sa sahig dahil sa ginawa niyang paghagod sa likod ko at isandig ang ulo ko sa kaniyang dibdib.

"May I know what's going on?"

"S-si m-mama . . ." umiiyak kong sagot. Suminghap ako at nahihirapang nagpatuloy, "Wala na . . . wala na si mama."

Umiling-iling ako at nauuntog pa ang ulo ko sa kaniyang baba dahil nanatili akong nakayakap.

"W-wala na siya." Mariin akong pumikit, napiga ang mata ko't maraming luha ang tumakas.

"Wala na ang mama ko," pahikbi kong sabi sa hindi makapaniwala at nagsising tono. Humiwalay ako sa yakap, tiningnan siya sa mga mata. Umawang ang labi ko pero hikbi ang lumabas.

Dalawang kamay niya ang kumulong sa pisngi ko habang abala ang pareho niyang hinlalaki sa pagpunas ng luhang walang humpay sa pagtulo.

"Ihatid mo ako, please. Si mama," pakiusap kong yugyog sa nalamukos kong tela ng damit niya.

Tumango-tango siya. "Can you get up? I'll drive you home now." Inilalayan niya akong tumayo.

Tumakbo siya sandali para iligpit ang mga gamit. Pinagkasya niya lahat sa bag sabay sabit sa balikat pagkatapos. Hinapit niya ako sa baywang at saka siya nagsimulang magmartsa.

Umaalalay siya sa akin habang bumababa kami ng hagdan.

Nakahawak lang ako sa kamay niya, samantalang parang kumot na nakabalot ang bisig niya sa akin. Kahit gustuhin ko siyang tulungan sa mga dala niya, wala akong lakas. Naglalakad nga ako pero para akong nakalutang.

"Ang sama kong tao," bulong kong humihikbi pa rin. "Ang sama-sama ko." Huminto kami sa pagbaba at humarap ako sabay sandal ng aking noo sa kaniyang dibdib.

Tanging kalmado niyang paghinga ang naririnig. "I'm not sure what to say, but I want you to know I care." Tinapik niya ang palad sa paraang paisa-isa hanggang sa hinaplos niya ako nang banayad sa likod ko.

"Masama ako . . . Masama akong anak. Masama . . ." paulit-ulit kong sabi, hindi ako makapaghabi ng maayos na salita.

Nakatulala lang ako buong biyahe. Hindi naman nagtangkang magsalita pa si Aquilla, pero kada tumitigil ang kotse dahil sa stoplight at trapik, maya't maya ang paghagod niya sa likod ng kamay ko at tapik sa aking balikat.

Wala nga akong mukhang maiharap sa kaniya. Dapat ay nagdidiwang kami ng aming monthsary, tapos ganito pa ang nangyari. Kahit gaano pala kaganda ang gabi, may darating na maninira ng kasiyahan.

Nagpapagamot naman si mama pero bakit siya sumuko? Hindi ba sapat ang pagpapa-ospital para gumaling siya? Ano pa ba ang kulang?

Kung bumisita ba ako, mabubuhay siya? Magkakaroon ba siya ng lakas? Hindi ba nakakahugot ng lakas si mama kay Maritoni o kulang? Ako ba hinihintay niya?

Pagkatapak na pagkatapak ng paa ko sa lupa, nangangatog ang pareho kong tuhod kaya kinailangan ko ng alalay ni Aquilla para dalhin ako sa harap ng bahay. May pumapatak ding tubig galing sa taas, binabasa ang daan maging ako.

A Change of HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon