Chapter 12

381 24 0
                                    

Ang lamig ng tubig dagat ay humaplos sa katawan ni Roni. Naliligo na silang magkakaibigan ngunit siya ay mas piniling sumama kay Basty para sulitin ang sandaling iyon.
Masaya rin namang kasama si Basty. Damang-dama mo ang pagmamahal at pag-aalaga nito. Hindi rin ito nagte-take advantage. Kahit magkasama sila sa tubig, makikita mo ang kanyang respeto.

Sa ibayo doon, ay maririnig naman ang tili ni Jelai habang naghahabulan sa tubig kasama ang nobyong si Junjun.

Sina Missy at Yuan naman ay tahimik na nag-uusap habang nakaupo sa buhangin sa may tabing-dagat.

Sina Tonsy at Borj naman ay inaaliw ang sarili sa pamamagitan ng pagmamasid sa mga nagsasayang kaibigan habang sa gitna ng mesa nila, nakapatong ang isang bote ng nakalalasing na alak.

"Wala bang girlfriend si  Tonsy" --nagulat na lang si Roni sa biglang tanong na iyon ng nobyo.

" M-mukhang wala. Wala naman siyang ipinakikilala samin eh"--sagot naman niya dito.

" Eh si Borj?! "--sunod na tanong pa nito.

Nagkibit balikat lang si Roni. Hanggang sa biglang naalala niya si Abby.

"Ang alam ko. May gusto siyang ipakilala. Si Abby. Hindi ko lang sigurado kung girlfriend nga niya. B-bakit mo itinatanong?" --nagtataka kasi siya sa pagiging curious nito. Baka mamaya may interes si Basty sa mga lalaking kaibigan.

Agad gumuhit ang ngiti sa labi ni Basty nang mabasa ang ngiti sa labi ng dalaga.

"Natanong ko lang naman. Baka naman iniisip mo na agad na ---" natatawang depensa agad nito kahit wala naman sinasabi ang dalaga. Pinutol na nito ang sasabihin.

Marami na silang napagkuwentuhan ni Basty sa gabing iyon. Hindi nagtagal ay minabuti nilang magtungo na lang sa cottage para makapagbanlaw na at makainom ng kape.

Ganundin ang ginawa ng iba pa at napuno na nga ang cottage ng ingay at tawanan ng makumpleto silang magkakaibigan.

"Ok, Roni heto ang kape oh. Bigyan mo na lang si Basty" --narinig niyang alok ng kanyang Kuya Yuan.

Nakangiti siyang nagpasalamat sa kapatid at umakto na siyang kukunin ang dalawang tasa ng kape na tinimpla ng kapatid. Subalit, ganun na lang ang kanyang pagkagulat nang lumapat sa kanyang kamay àng mainit na palad  ng isang lalaki. Akma din sana itong kukuha ng kape subalit sa halip na tasa ang hawakan ay sa kamay niya napahawak ito. Awtomatiko niyang nilingon kung kanino bang kamay iyon.

"B-Borj!" --halos namutla na yata siya sa labis na pagkagulat.

"Ups, s-sorry... Sorry Roni" --nakangiti subalit halatang talab na sa alak si Borj nang gabing iyon. Naamoy niya na amoy alak ito at hindi maiikaila na lasing na ito dahil sa namumula na nitong mga pisngi at namumungay na mga mata.

Mabilis na niyang kinuha ang dalawang tasang may lamang mainit na kape at walang salitang tinungo ang sulok ng mesa kung saan nakapwesto sila ni Basty. Matalim na irap lang ang ibinigay niya kay Borj at hindi na ito pinansin pa ng dalaga. Inabala na lang din niya ang sarili sa pamamagitan ng pagkain kasama ang nobyo.

Mabilis natapos sa pagkain ang mga kaibigan. Sila ni Basty na nasa dulo ng mesa ay nagkukuwentuhan pa habang kumakain kaya huli silang natapos.

Nagulat na lang silang dalawa nang tumugtog nang malakas ang speaker na kanilang dala-dala. Lovesong ang sumunod nilang narinig. At tunay naman na kaysarap pakinggan ng ganoong tugtugin.

Nagsigawan ang iba nang makita nilang inilahad ni Yuan ang kamay para maisayaw si Missy. Game na game naman si Missy at maluwang ang ngiting inabot ang kamay sa nobyo at nakakakilig silang tingnan sa gitna ng kusinang iyon.

♥️I Love You, Again♥️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon