Sinampay

38 2 0
                                    

Sinampay

Simula ng lockdown umakyat na kaming bundok. Sa bahay ng tropa namin. Kuya ko kasi nurse kaya sabi nya mas magiging panatag sya kung habang may pandemya pa, malayo kami ng mga bata sakanila ng isa ko pang kapatid na pulis naman.
Dito na nagsimula na mapansin kong mejo weird ang kinikilos ng asawa ko. Para syang laging nagugulat sa mumunting kaluskos. Nung sadyain nyang hindi isuot ang salamin nya doon ko na sya sinita. Kasi natatalisod sya o di kaya nababangga sya dahil sobrang labo na ng mga mata nya. Nagpalusot pa sya sakin. May nung maisip kong husto na, pero dahil takot akong magalit sya sakin pag pinilit ko syang magsabi, inistalk ko bawat galaw nya.
Hapon nung nagpasya syang maglaba. Natapos sya mga ala sais na. Sinasampay nya sa labas yung mga bedsheet tapos mga rug. Ako naman nakamasid lang sakanya pero hindi nya ko napapansin.
Marami kami sa bahay ng tropa. Kaya hindi pa ko nag isip na paranormal yung nakikita kong paa sa likod ng sinampay nyang bedsheet. Nagtaka lang ako kasi nakapaa paa. Kaya lang nung bigla syang tumakbo papasok sa kusina, nakita kong sa apat na bedsheet na nilabhan nya, lahat ng yun may tila ba nakatayo sa likod at paa lang kita. Mababa lang yung sampayan kasi akong nagsabit nung wire. Alangan taasan ko edi hindi naabot ng asawa ko. Sinalubong ko sya sa kusina. Kunwari kagagaling ko sa banyo. Tinanong ko sya kung anong problema. Lumingon sya sa labas. Napalaki mata ko nung makita yung nangyari sa mga sinampay nya. Lahat nagkanda hulog kahit yung mga rug.

"Ay nalaglag" sabi nya lang. Lalabas sana sya ulit pero sabi ko ako na. Tumango lang sya tapos dirediretso ng sala. Kung hindi sya natakot malamang hindi sya papayag na akong tatapos nung nasimulan nya. Ang nasa isip ko habang isa isa kong pinupulot yung mga nahulog, kokomprontahin ko na sya. Kaya lang nung naisampay ko na lahat, edi papasok na rin sana ako kaso pagtingin ko sa ibaba, andun na naman yung mga paa. Kumakabog na ng mabilis puso ko. Tinanggal ko sa sampayan yung pinakamalapit sakin, walang tao. Expected ko ng wala talagang tao pag tatanggalin ko lahat. Kaya lang nung nasa pinakahuli na kong bedsheet, paghila ko biglang may lumabas na kamay kasabay ng parang ungol at paglitaw ng mukha. Ang bilis lang ng pangyayari, pero kulubot balat nung hayop na yun. Yung bibig nya malaki as in. Natumba ako sa gulat tapos nawala na lang bigla. Hinanger ko na lang sa may terrace yung mga bedsheet. Tinignan ko asawa ko, kachismisan na nya yung bestfriend nyang si ulok. Hinanap ko agad yung isang kaibigan namin tapos sinabi ko yung nangyari. Ang paniwala namin nung una, multo yun.

Kinagabihan, nasa sala pa ko habang asawa ko nasa kwarto na kasama mga bata. Nanonood kami tapos nagkukwentuhan ng tropa tapos lumabas asawa ko kasama dalawang bata. Magbabanyo sila. Sinusundan ko sila ng tingin, nung matapos na sila, nakatingin pa rin ako sakanila. Nung naglalakad na sila at matapat na asawa ko sa may bintana, bigla akong napatayo at napatakbo sakanya. May pumasok na sa kamay sa bukas na bintana tapos nahablot sya sa buhok. Si ulok lumabas. Umiiyak na asawa ko kasi nasaktan talaga sya, nakuhaan syang buhok, nalaglag pa nga sa sahig. Nung gabing yun nilagnat sya. Ang init init ng katawan nya pero sabi nya nilalamig sya. Sinasabi nya rin paalisin ko yung lalaki sa loob ng kwarto namin kasi ang lakas ng tawa at sumasakit lalo ulo nya. Walang tumatawa sa amin. Hinahanp ko si ulok pero mula kaninang lumabas sya hindi pa rin bumabalik. Yung dalawang anak ko dun ko muna pinatulog sa kabilang kwarto. Tinatanong ko asawa ko kung gusto nya bang dalhin ko na syang ospital pero parang hindi nya ko naririnig. Ang binubulong nya lang tumigil ka wag ka ng maingay please. Pa ulit ulit nyang sinasabi tapos nakapikit sya. Nung natahimik sya akala ko sa wakas nakatulog na sya. Kaya lang hindi. Kasi nagsalita sya ulit paglipas ng ilang minuto.

Ayokong sumama sayo

Yan bulong nya. Humigpit hawak ko sa kamay nya nung magsalita sya ulit

Ayoko kahit maraming libro. Ayokong sumama sayo

Hindi ko alam bakit naiiyak na ko nun pero mabuti na lang dumating si ulok. May dala syang malaking kaldero. Nung buksan nya umuusok pa, mainit na mainit. Nagpakulo sya ng mga dahon dahon tapos ang lakas ng amoy ng luya sa usok. Ang tanong ko agad sakanya, susuuban natin hun ko? Tumango lang sya. Tinayo ko asawa ko. Para syang lasing na gegewang gewang. Binalot ko sya ng kumot tapos tinapat ko sya dun sa kaldero.
Hangga't may usok pa hinayaan lang namin sya. Pagkatapos syempre pawis na pawis sya. Naramdaman kong okay na sya nung nanghingi syang pagkain. Wala na rin syang lagnat. Pinalitan naman ni ulok ng mas makapal na kurtina yung bintana sa kwarto.
Di na ko makatulog kaya nagkape ako. Si ulok nandun lang sa kwarto bantay. Tinanong ko sya kung alam ba nya yun?

"Ayaw nyang pasabi sayo to eh kasi ayaw nyang mag alala ka. Tapos kalaunan ayaw nyang pasabi kasi nauurat sya sayo. Akala nya multo, hindi ko na lang sinabi sakanya na hindi kasi mas lalo syang matatakot. Yung nilalang na yun, mas lumalakas pag natatakot nya yung napili nyang biktimahin"

Tinanong ko sya kung sa bundok lang din yun naglalagi.

"Tanda mo yung puno ng santol sa bungad? Bantay doon. Napanatag ako kasi hindi naman nya sya sinasaktan dati. Dati rin hindi sya nakalalapit sakanya. Tapos naalala ko isang buwan rin pala kong nasa ibaba. Kababalik ko lang dito kanina diba, hindi pa siguro sya nakahanap ng bwelo para magsabi sakin"

Yung lilim ng puno ng santol sa bungad, dun madalas nakatambay asawa ko pag mahina ang wifi. Doon kasi malakas ang data. Nun naayos na yung connection, hindi na sya ulit tumambay doon.
Tuwing hapon na rin nagsusunog kami ng dahon ng talay pang taboy daw yung amoy nun sa nilalang na yun. Mula din nun, alas kwatro pa lang ng hapon nagsasara na kami ng mga bintana just in case.

May mga pagkakataon pa rin na nakikita nya yung nilalang na yun pero sa malayuan na. Nagtataka siguro iba bakit di ko sabihin pangalan o tawag sa nilalang na yun? Ayoko lang. Kasi may naisip ako bakit sinundan nya asawa ko.
Nung natambay pa kasi sa silong ng santol asawa ko, may naging kakwentuhan syang regular doon. Yung may ari ng pinaka malapit na bahay sa amin. Nagdedata din sya sa part na yun. Nakwento ng asawa ko sakin na may kwinento yun sakanya tungkol sa isang nilalang na akma sa nakita ko, yung kulubot ang balat at inilang beses nitong ipaulit sakanya yung tawag sa nilalang na yun. Yung nakikita kasi ng asawa ko iba sa nakita ko sa may sampayan. Ang nakikita nya lalaking naka kamisa de tsino. Hindi ako nambibintang, ayoko talaga sana kaso mula nung suuban namin asawa ko, kinagabihan nun, sinugod sa ospital yung anak nung nagkwento sa asawa ko. Nilalgnat at nagsusuka at sumisigaw na hindi sya sasama. Naisip ko lang kasi what if kaya sya sinundan ng nilalang na yun dahil binanggit nya yung pangalan nito? What if lang naman mga cyst.

Cameltoe

iba pang kwento mula kay Cameltoe
https://www.facebook.com/notes/sigaw/cameltoe/481846629223612/


📜Sigaw
▪︎2020▪︎

[2] True Filipino Horror Experiences (Tagalog) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon