|45| 1891

0 0 0
                                    

Mga salita mo'y tila silahis ng araw na unang sumilay pagbukang-liwayway,
Mga patak ng unang ulan matapos ang mahabang tag-araw,
Nakakahalina, gumuhuhit ng pag-asa sa puso
Nagpapagaan at nagbibigay kapayaan sa pusong tuliro.

Kalabisan bang hilinging mapakinggang muli?
O hilinging sana'y tunay na pinagdidili-dili?
Bago mamutawi sa mga labi't ibinigkas,
'Pagkat umaasa itong puso sa pagsintang  walang pagkukubli't wakas.

Pagsintang walang dulo, puro at totoo
Tunay na kaaya-ayang pangako,
'Di mapapawi ng sikat ng araw ni ng ulan,
Ng hanging habagat ni hanging amihan.

Ikaw pala ang pupuno ng espasyo,
Ng mga kulang, at ang kukumpleto
Ikaw ang kapayapaan ng pusong nalugmok sa kapanglawan at kabalisahan,
Ang ligayang matagal na inasam.

Nakapinid na DamdaminTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon