Kasama
"Elio, anak ko!"
Malawak ang ngiti ni Elio nang salubungin siya ng kaniyang ina. Natawa pa siya nang makitang may hawak na naman itong sandok habang tumatakbo.
"Ina..." Niyakap niya ang kaniyang ina at mas napangiti nang humigpit ang yakap ng ginang sa kaniya. "Masaya akong muli kayong makita."
"Sinong kasama mo?" Lumipat ang tingin ng ginang kay Adam na noon ay inililibot ang paningin sa paligid. Nang marinig ang tanong ng ginang, ngumiti si Adam at nagpakilala.
"Ako ho si Adam, mula sa Verdantia." Hindi pa sigurado si Adam kung dapat niya pa bang sabihin ang bansang pinanggalingan niya sapagkat hindi maayos ang kasaysayan ng Verdantia at Ignisreach.
Napag-alaman nila na ang totoong dahilan ng mga Terran upang bumalik sa nakaraan ay dahil nais nilang pabagsakin ang Ignisreach. Ito ay dahil isang Pyralian ang nakapatay sa anak ni Treyton; naging dahilan ito ng pagkasuklam ng lalaki sa buong lahi ng Pyralian.
Bumuka ang bibig ng ginang. "Ito pala 'yong Adam na kinu-kuwento mo?" Nagagalak na tumango-tango si Elio. "Mabuti naman at naisipan mo na siyang isama! Matagal ko nang gustong makilala ang kaibigan ng aking anak!"
Binalot ng init ang puso ni Adam nang makita ang malaking ngiti ng ina ni Elio. Pinanood niya kung gaano kalapit ang dalawa sa isa't isa. Hindi niya maiwasang makaramdam ng inggit sapagkat hindi niya kailanman naramdaman ang bagay na iyon.
"Pasok muna kayo. Nagluto ako!" Bumaling ang tingin ni Elio kay Adam na noon ay nakatingin na rin sa kaniya. Ngumiti siya sa lalaki na noon ay sinagot lang din siya ng maliit na ngiti.
Nauna nang pumasok ang ginang kaya nilapitan ni Elio si Adam at iniligay ang kaniyang braso sa balikat nito. Narinig niya ang marahang pagtawa ng lalaki. "Ayos ka lang?"
"Oo naman. Ang bait ng iyong ina." Napangiti si Elio dahil totoo naman ang sinabi ni Adam.
"Tara na." Nakaakbay na pumasok si Elio sa loob ng kanilang bahay. "Ihahatid na kita sa tutuluyan mong silid tapos ay puwede ka nang sumalo sa amin."
Matapos makapasok sa akademiya, naging mas maginhawa ang buhay ng pamilya ni Elio dahil isa iyon sa napagkasunduan. Hindi na sila nakatira malapit sa pagawaan ng mga sandata; isa na ang kanilang bahay sa mga bahay na nasa sentro ng komunidad. Nagawa na ring makapag-aral ng kapatid niya sa paaralan.
"Mas maganda ang tanawin doon sa dati naming tinutuluyan."
Kasalukuyang naglalakad sina Adam at Elio sa batong daan sa komunidad ng mga Pyralian. May mga nakakasalubong silang mammayan na agad namang nakikilala si Elio.
"Kapag nandoon ka, malalaman mo kung bakit tinawag na pinakamaliwanag na bayan ang Ignisreach." Tuwid lamang ang tingin ni Adam sa daan. Gawa sa bato halos lahat ng bagay na nandito sa bansang ito.
Matapos ang ilang minutong paglalakad, narating nila ang lugar na wala ng masyadong bato. Mga maliliit na kubo na lamang ang nandito at ang pagawaan ng mga sandata. Bumuka ang bibig ni Adam sa pagkamangha habang pinapanood kung paano magpukpok ng bakal ang mga Pyralian.
"Dito kayo nakatira dati?" Magiliw na ngumiti si Elio at inilibot ang paningin. Walang masyadong pinagbago ang paligid. Nanatili itong maingay gawa ng mga tunog ng bakal. "Dito ka rin ba nagsanay sa paggamit ng mga sandata?"
"Dito ako unang humawak ng apoy." Lumawak ang ngiti ni Adam. Niyaya siya ni Elio patungo sa burol na madalas niyang puntahan. Nasa likod iyon ng Ignisreach kaya naman kapag nandoon ka ay magagawa mong tanawin ang komunidad.
Pareho silang nakaupo sa sanga ng punong kahoy, tinatanaw ang malawak na bansa. Dahil nasa medyo mataas na lugar, mas magandang tingnan ang pamayanan. Nakangiti lamang si Adam sa buong oras.
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasiVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...