Pagsalakay
"Narinig ko ang usap-usapan na sunod-sunod na naman daw ang pagkawala ng ibang pamayanan sa labas ng akademiya."
Kasalukuyang tinatahak nina Diego at Elio ang daan pabalik sa kani-kanilang dormitoryo. Palubog na ang araw kaya ang kanina pang madilim na kalangitan ay mas lalo pang kumulimlim.
Magpasa-hanggang ngayon ay hindi pa rin tapos magluksa ang Veridalia sa pagkawala ng isa sa mga balanse. Sa loob ng ilang araw ay nanatiling makulimlim ang paligid.
Napatingin si Elio kay Diego matapos marinig ang sinabi nito. Hindi tulad ng mga nakaraan, madalas na itong makaramdam ng pagkabahala. Maging ang ngumiti kahit sandali man lamang ay hindi na nito magawa sapagkat hindi niya batid kung hanggang kailan sila ligtas.
"Sa tingin ko ay pinaghahandaan na nila tayo, Elio."
Naghatid ng pangamba kay Elio ang mga winika ni Diego. Tiyak na may kinalaman ang Prolus at Valthyria sa pagkawala ng ibang nilalang sa Veridalia, at tiyak din na gagamitin ito ng dalawang kaharian laban sa kanila.
Mukhang may nalalapit na namang digmaan.
"Sa ngayon ay huwag muna tayong mabahala. Kasama naman natin ang mga Sylpari." Sigurado namang hindi hahayaan ng mga Sylpari na bumagsak ang akademiya. Bagamat hindi naghatid ng kapayapaan ang mga sinabi ni Elio kay Diego, pinili na lamang nitong tumango.
Imbes na magtungo sa silid ay naisipan ni Diego na lumabas ng akademiya noong gabing iyon. Hindi siya pinatatahimik ng kaniyang sarili kaya wala rin siyang magawa kung hindi ang magmuni-muni muna sa labas ng paaralan.
Mataas na ang dalawang buwan sa kalangitan kaya kahit paano'y natatanglawan ng sinag nito ang paligid. Dagdag pa ang ikatlong buwan, kaya kumikinang sa paligid ang kulay asul nitong liwanag. Isinuot niya sa kaniyang ulo ang tabon ng kaniyang balabal saka pumasok sa gubat na hindi kalayuan sa akademiya.
Hindi pa man siya tuluyang nakapapasok sa looban ng kagubatan ay kaagad niya nang natanaw ang pigura ng isang nilalang. Dahil doon ay mabilis siyang bumuo ng espada gamit ang apoy, dahilan upang bahagyang lumiwanag ang paligid.
Dahan-dahan, nilapitan niya ang nilalang na hindi kalayuan sa kaniya at mukhang hindi batid na mayroon itong kasama sa gubat. Humigpit ang pagkakahawak ni Diego sa kaniyang sandata bago ito nagsalita.
"Sino ka?"
Napapitlag ang nilalang na nasa tapat niya at mabilis na humarap sa kaniya. Sandaling nagsalubong ang kilay ni Diego subalit mabilis ding pinaglaho ang sandata matapos makilala ang wangis ng nilalang na nanlalaki ang mga mata at nakabuka pa ang bibig.
"Bakit ka ba nanggugulat?"
Mahina siyang natawa nang tumalim ang tingin sa kaniya ng nilalang na nag-aagaw kulay berde at asul ang buhok. Nanatiling magkapantay ang kanilang mga mata subalit nauna nang mag-iwas ng tingin ang nasa harap ni Diego nang makaramdam ng pagkilos hindi kalayuan sa kung nasaan sila.
"Bakit lumabas ka sa paaralan? Hindi ba't hindi kayo maaaring lumabas?" Tuluyan nang tumalikod si Kalen kay Diego at bumalik sa pinagkakaabalahan nito kanina bago dumating ang lalaki. "Hindi makabubuti sa inyo ang magpagala-gala, lalo pa ngayong gabi."
"May mga bagay lamang na bumabagabag sa akin." Dahil narito na rin naman, mas pinili ni Diego na manatili. Umupo ito at sumandal sa katawan ng puno, tumingala sandali kay Kalen na noon ay sandaling napatingin din sa kaniya. "Ikaw? Bakit mag-isa ka lamang? Hindi ba't mapanganib?"
"Nagmamanman ako sa paligid ng akademiya." Sinusunod lamang niya ang utos ng dalawa niyang pinuno bago pa pareho itong lumisan. "Kailangang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral sapagkat tiyak na ito ang sunod na pakay ng dalawang kaharian. "
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy 2: Returned
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Kasabay ng pagbagsak ng dalawang bansa, muling naitaguyod ang dalawang nauna pang bumagsak na kaharian. Muling nagbalik ang mga nilalang na iniwan na sa nakaraan. Sa kanilang pagbabalik, isang panibagong giyera ang magagan...