Kabanata 14: Hudyat

30 3 0
                                    

Hudyat

"Gumising ka. Hindi ka bisita rito!"

Kaagad na bumalik ang malay ni Aziel nang may kumalampag sa kaniyang rehas. Nagkalat ang ingay ng bakal na nagkakalansingan dahil sa lakas ng pagkalampag. Napaungol pa siya nang maramdaman ang sakit ng kaniyang ulo.

Ipinilig niya ang kaniyang ulo, sinusubukang iwaksi ang sakit. Napahawak pa siya rito bago niya inilibot ang kaniyang mata. Wala siyang ibang makita kung hindi dilim kaya ipinikit niya ang kaniyang mata at nang magmulat, may kaunting liwanag na siyang nakikita.

Bumalik sa kaniyang alaala ang nangyari bago siya mapunta sa sitwasyon niya ngayon. Mabilis naman siyang napatayo nang mapagtantong nasa Valthyria siya. Hinawakan niya ang rehas na gawa sa bakal.

"Mga hangal..."

Tatlong beses humakbang patalikod si Aziel. Nang sapat na ang distansiya sa mga bakal na rehas, iniunat niya ang kaniyang mga braso. Kasabay ng paggalaw ng kaniyang braso ay ang paggalaw ng bakal kaya tagumpay na napangiti si Aziel.

Unti-unting naghiwalay ang mga bakal kaya nagkaroon ng sapat na siwang upang magkasya siya. Nang makalabas siya ng kulungan, napatingin si Aziel sa mga iba pang nakakulong. Kikilos na sana siya upang tulungan ang mga ito nang maalala si Adam.

"Babalikan ko kayo..."

Si Adam muna, bago ang lahat.

Mabilis na tumakbo si Aziel sa pasilyo hanggang sa makalabas siya ng piitan. Wala siyang bitbit na kahit anong sandata kaya kung sakaling may makasalubong siyang kalaban ay tiyak na dehado siya.

"Saan ka pupunta?"

Napahinto sa pag-iikot ng mata si Aziel nang marinig ang pamilyar na boses. Umalingawngaw ang tinig nito sa malawak na silid. Tumalikod si Aziel at bumungad sa kaniya ang nilalang na matagal niya nang hinahanap.

Nakasuot ito ng itim na baluti at ang ibang parte nito ay kulay lila. Ang baston nito ay nakasukbit sa kaniyang likod. Nagtubig ang mata ni Aziel dahil sa galak.

"Adam..."

Mabilis na isinara ni Aziel ang pagitan nila ni Adam. Nanatiling blangko ang mukha ng lalaki. Ilang sandali lamang ay kaagad na bumalot kay Adam ang mga braso ni Aziel kaya nagsalubong ang kilay niya. Kapansin-pansin ang pagtaas-baba ng balikat ni Aziel.

"A-Akala ko... Nawala ka na naman sa akin..."

Humiwalay si Aziel sa pagkakayakap. Basang-basa ang mukha nitong nakangiti habang nakaharap sa noon ay wala pa ring emosyon na binata. Hinawakan ni Aziel ang pisngi ni Adam at muling dumaloy ang luha sa kaniyang mata.

"Sino ka?"

May kung anong nabasag sa loob ni Aziel nang dahil sa narinig. Pinanood niya kung paano hawakan ni Adam ang kaniyang pulsuhan at marahas na inalis sa kaniyang pisngi. Bakas sa mukha ni Adam ang pagka-disgusto sa nilalang na nasa harapan niya.

"Adam... Patawad..." Nanghina ang tuhod ni Aziel habang binibigkas ang mga katagang iyon. "Patawad, sapagkat nagalit ako sa iyo. Magalit ka na lang din sa akin, pakiusap..." Halos mapaluhod na si Aziel sa panghihina dahil halata sa mukha ni Adam na hindi siya nito kilala. "Huwag mo namang iparamdam na hindi mo ako kilala..."

Umatras si Adam nang subukang lumapit ni Aziel sa kaniya. Mas lalong kumirot ang dibdib ni Aziel nang dahil doon. Napansin niyang hinugot na ni Adam ang kaniyang mga baston.

"Isa kang kalaban. Sinusubukan mo akong linlangin." Ngumisi si Adam at mabilis na nakalapit kay Aziel. Lumapat ang kaniyang baston sa braso ni Aziel kaya napapikit ang lalaki sa sakit.

Veridalia Academy 2: ReturnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon